INIHAYAG ni Energy Secretary at Partido Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan o PDP-Laban vice chairman Alfonso Cusi na ang posibilidad na Duterte-Duterte tandem ay isang bagay na kailangang pag-aralan.
Ang pahayag ay kasunod ng sinabi ni Albay Representative Joey Salceda na tuloy ang kandidatura ni Davao City Mayor Sara Duterte bilang presidential bet sa 2022.
(BASAHIN: Davao City Mayor Sara Duterte, tatakbo bilang pangulo sa 2022 —Rep. Salceda)
Dagdag pa ni Cusi, sa ngayon hindi pa nito masasabi o masasagot kung magandang ideya ito o hindi.
“So, pero ngayon naman, kung sasabihin natin na iyong Duterte-Duterte, that is something that we need to really study. We cannot answer whether it’s good or not good at the moment,” pahayag ni Cusi.
Gayunman, inihayag ng PDP vice chair na wala namang problema sa naging pahayag ni Cong. Salceda.
Muling ibinahagi ni Cusi na batay sa resolusyon ng mga myembro ng PDP, naghihikayat ito kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na tumakbo bilang bise presidente sa susunod na taon.
Nakasaad din sa PDP resolution na bahala na si Pangulong Duterte na pumili ng kanyang magiging ka-tandem.
Sa ngayon, binigyang diin ni Cusi na mahalagang isaalang-alang kung ano ang higit na makatulong at makapagsulong sa pag-asenso ng mga Pilipino at ng bansa.
Samantala, inilahad ni Presidential Spokesman Harry Roque na maraming opsyon na nabanggit na si Pangulong Duterte na pwedeng tumakbo sa 2022.
Kabilang na aniya rito si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, Senator Manny Pacquiao, dating Senador Bongbong Marcos, Manila Mayor Isko Moreno at kasama na rin dito si Senator Bong Go.
Sa kabila nito, bagama’t marami ang mga nagnanais na tumakbo si Mayor Sara, ay sinabi ni Secretary Roque na wala pa talagang desisyon ang alkalde at wala pa ring pormal na pronouncement na siya ay tatakbo bilang pangulo.