TANGING ang kinatawan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang makakadalo sa pagpupulong ng mga lider ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN Summit ngayong Linggo.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos kumpirmahin na hindi makalalahok nang personal ang presidente sa naturang event.
Paliwanag pa ni Roque, pagkakaintindi niya kung bakit hindi makadalo si Pangulong Duterte sa ASEAN Summit ay dahil sa isyu ng face-to-face.
Ito ay lalo’t mahigpit na pinag-iingat ang Punong Ehekutibo laban sa banta ng sakit na COVID-19.
Inilahad din ni Roque na marami ring heads of states na hindi makararating nang personal sa naturang pagtitipon.
Sa kabilang banda, tiniyak ni DFA Secretary Teodoro Locsin Jr. na binibigyang importansya ni Pangulong Duterte ang ASEAN Summit.
Dagdag pa ni Locsin, suportado ng Chief Executive ang Special Leaders’ Meeting kung saan tinatalakay o tatalakayin ang mga suliranin sa rehiyon.
Kabilang na rito ang mga paksa tulad ng recovery efforts, ASEAN community building efforts, external relations, at regional and international issues.
Kasama rin sa posibleng pag-uusapan sa naturang summit kung anong pwedeng maging common position ng ASEAN pagdating sa estado at sitwasyon ng Myanmar.
(BASAHIN: Pilipinas, nanawagan sa Myanmar na sumunod sa human rights declaration ng ASEAN)
Matatandaang nitong Pebrero, nagulantang ang maraming mga bansa nang magkudeta ang militar ng Myanmar laban sa partido ng democracy icon na si Aung San Suu Kyi.
Mababatid na gaganapin ngayong Linggo ang ASEAN Summit sa Jakarta, Indonesia.