BAHAGYANG bumagal ang daloy ng trapiko sa Mendiola matapos dagsain ng mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, dala ang kanilang panawagan at matibay na suporta sa dating lider ng bansa.
Sa gitna ng sigawan at pagwagayway ng watawat ng Pilipinas, mariing ipinahayag ng mga tagasuporta ang panawagang “Bring Him Home!”—isang matinding pagpapakita ng kanilang pagmamahal at paninindigan para kay Duterte.
Sa isang maiksing programa, isinagawa rin ang pagsisindi ng kandila bilang bahagi ng paggunita sa kanyang ika-80 kaarawan.
Bukod sa selebrasyon, naging sentro rin ng pagtitipon ang matinding pagpuna sa anila’y paglapastangan ng gobyerno sa soberanya ng bansa at sa paglabag sa karapatan ni Duterte matapos itong arestuhin ng International Criminal Court (ICC).
Ayon sa mga organizer, hindi Mendiola ang orihinal na venue ng pagtitipon. Una nilang pinili ang Liwasang Bonifacio, ngunit anila, may ibang grupong nauna nang gumamit ng lugar.
Ang kanilang ikalawang opsiyon, Bonifacio Shrine sa may Kartilya ng Katipunan, ay hindi rin natuloy, dahilan kaya’t napadpad sila rito sa Mendiola upang ipagpatuloy ang kanilang panawagan.
Patuloy na lumalakas ang sigaw ng mga tagasuporta ni dating Pangulong Duterte. At habang tumitindi ang kanilang panawagan, tinututukan naman sila ng mga kapulisan upang bantayan ang seguridad ng lugar.
Follow SMNI News on Rumble