HINDI isang ‘failure’ ang war on drugs ng Duterte administration.
Ito ang naging opinyon ng tatlong senatorial aspirants na naging tampok sa unang episode ng SUKATAN: The SMNI Senatorial Interview nitong January 18, 2025.
Ayon kay 1 Rider Party List Cong. Bonifacio Bosita, bagamat lahat aniya ng programa at proyekto ay hindi perpekto, makikita niya mula sa pananaw ng taumbayan na hindi nabigo ang ‘drug war campaign’ sa layuning mabawasan ang kalakaran ng ilegal na droga sa bansa.
Para naman kay Dr. Jose Montemayor Jr., makikita aniya noon bago pa maging pangulo ng bansa si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na kahit sa sari-sari store ay may ibinebentang shabu.
Ngunit noong magsimula na si FPRRD bilang pangulo ay natakot ang lahat at nahinto ang kalakaran ng ilegal na droga.
Samantala, si dating National Commission on Indigenous People (NCIP) chairperson at ngayo’y senatorial aspirant Allen Capuyan, naging ‘successful’ ito ngunit mayroon lang kulang.
Aniya, mainam kung maisabuhay ng lahat ng public servants ang drug war campaign.
Ibig sabihin, dapat magkaisa ang tatlong sangay ng gobyerno sa pagpapatupad nito.