Duterte Youth PL kinontra ang “Manifestation of Intent to Participate” ng P3PWD para sa 2025 elections

Duterte Youth PL kinontra ang “Manifestation of Intent to Participate” ng P3PWD para sa 2025 elections

SUMUGOD sa Commission on Elections (COMELEC) ang kampo ng Duterte Youth Party-list para harangin at kontrahin ang paglahok ng Komunidad ng Pamilya, Pasyente at Persons with Disabilities (P3PWD) Party-list sa 2025 midterm elections matapos itong maghain ng “Manifestation of Intent to Participate” (MIP).

Ayon sa kampo ng Duterte Youth, nilabag ng P3PWD ang alituntunin ng COMELEC dahil hindi nito sinunod ang deadline para sa submission at publication ng MIP.

Ang P3PWD ay pinangungunahan ni dating COMELEC Commissioner Rowena Guanzon.

Giit ng kampo, maliban sa mga komunista, ay kaaway nito ang hindi marunong sumunod sa batas.

“Alam niyo dati siyang commissioner ng COMELEC. Sila ‘yong nagtatalaga ng mga deadline di ba. So bilang dating commissioner ng COMELEC, alam mong very strict ang deadline ng itinatalaga ng komisyon di ba, bakit hindi ka susunod? ‘Yong deadline para pwede kayo magparticipate sa 2025 elections ay noong Dec. 29, 2023. Kung gusto niyo magparticipate sa eleksyon,” pahayag ni Ronald Cardema, Chairman, Duterte Youth PL.

Matatandaan na una nang nagkaroon ng bangayan sa pagitan ng Duterte Youth at ni Guanzon kung saan kinuwestiyon ng kampo ang delayed na substitution na ginawa nito noong nakaraang eleksiyon.

“Nagiging pattern na po ito kay Commissioner Guanzon na mayapat siya na kilalang tao at dating commissioner ng COMELEC ay sa tingin niya hindi na niya kailangang sumunod sa alintuntunin ng COMELEC at she is above the law and the law does not apply to her. Dapat wakasan po ang ganitong practice ni Commissioner Guanzon. Ginawa rin niya po ito sa substitution ng mga party-list kaya nga po ito ay ay under litigation na ngayon sa Korte Suprema kung saan kinuwestiyon din namin ang hindi niya pagsunod sa mga patakaran ng COMELEC,” saad ni Atty. Ferdinand Topacio, Legal Counsel.

Samantala, nagkaroon naman ng Multiparty Democracy Summit sa headquarters ng COMELEC sa Intramuros Manila bilang paghahanda sa kauna-unahang parliamentary election sa BARMM sa 2025.

Dinaluhan ito ng nasa siyam na political party na gustong lumahok sa halalan.

Nagkaroon ang mga ito ng orientation pagdating sa mga alituntunin ng COMELEC para sa eleksiyon kung saan isa sa mga panawagan ng komisyon ay ang pagkakaroon ng mapayapang halalan.

“Sana tumupad lang sila sa ating patakaran at iwasan na traditonal na iregularidad tulad ng vote buying, ‘yong tinatawag natin na violation sa terorismo, at yong panunuog o pananakot sa ating mga kababayan,” wika ni Atty. George Garcia, Chairman, COMELEC.

Samantala, balak ng COMELEC na ma-extend pagkatapos ng Hunyo 7 na siyang pasahan ng accreditation ng mga political party na gustong makilahok sa halalan sa BARMM.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble