Pangasinan, Philippines — Buo ang loob ni PDP-Laban President Senator Robinhood Padilla na ang “DuterTEN” slate ay makakamit ang tagumpay sa darating na halalan sa Mayo 12, kasabay ng patuloy na suporta ng pamilya Duterte at masiglang pagtanggap ng mga mamamayan sa kampanya.
Sa isang panayam, iginiit ni Padilla na ang lakas ng kanilang kampanya ay hindi lamang nagmumula sa mga rally at estratehiya, kundi sa matibay na koneksyon nila sa taumbayan.
“Panalo. Walang iba kundi panalo ang ating DuterTEN… Sapagkat alam niyo naman ang hinahanap ng tao ay yung isang gobyerno na may tunay na pagbabago,” ani Padilla.
Binanggit ni Padilla na isang malaking bagay ang aktibong paglahok ni Vice President Sara Duterte sa mga natitirang campaign rallies. Aniya, ang presensya nito ay hindi lang simbolo ng suporta, kundi patunay ng pagkakaisa at lakas ng pamilyang Duterte.
“Ang ulo ay si Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Ang leeg ay si Inday Sara. Napakalaking bagay pag kasama namin siya,” dagdag ni Padilla.
Bukod kay VP Sara, aktibo rin sa kampanya ang iba pang miyembro ng pamilya tulad ni Kitty Duterte, na ayon kay Padilla ay bahagi ng “kabuuang pwersa” ng DuterTEN.
Umani ng malakas na suporta ang DuterTEN sa motorcade nitong Linggo sa Pangasinan. Dumaan ang convoy sa mga pangunahing lansangan ng lalawigan, sinalubong ng mga taong may bitbit na placards at sumisigaw ng suporta.
“Dito pa lang, ramdam na ang tiwala ng taumbayan. Isa itong malinaw na senyales na panalo ang DuterTEN sa puso ng masa,” sabi ng isang tagasuporta.
Nagbigay-linaw rin si Padilla sa isyu ng “+2” na idadagdag sa DuterTEN slate. Sa kabila ng magkaibang endorsement nina dating Pangulong Duterte at VP Sara para sa dalawang kandidatong ito, sinabi ni Padilla na malinaw pa rin ang direksyong dapat tahakin ng mga botante.
“Mayroon na tayong susundan—ang DuterTEN. Yan ang sigurado, dahil ang laban sa Senado ay labanan ng numero.”
Dagdag pa niya, kailangan ng PDP-Laban na makapasok ng hindi bababa sa 11 senador upang maging epektibo ang kanilang agenda sa Senado.