e-Booking, bagong solusyon ng PNP para sa mas mabilis na paglutas ng mga krimen

e-Booking, bagong solusyon ng PNP para sa mas mabilis na paglutas ng mga krimen

INILUNSAD araw ng Lunes ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang digital booking system o tinatawag na e-Booking.

Ang e-Booking ay sariling likha ng Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) ng PNP.

Ayon kay PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., sa ilalim ng e-Booking ay magiging mabilis na ang pagrekord at pag-access ng mga crime data.

Kabilang sa mga kinukuha sa mga booking procedure ng pulisya sa mga inarestong mga lumabag ay kanilang fingerprint at mga larawan.

Sa pamamagitan e-Booking, ang mga nakolektang datos ay ilalagay sa PNP data system sa pamamagitan ng Automated Fingerprints Identification System (AFIS).

Maliban sa mabilis na ang pag-access sa mga crime data, makakatipid na rin ang PNP sa kanilang ginagastos.

Sa sandaling fully implemented na, sa pamamagitan ng e-Booking ay hindi na bibili pa ng mga special paper ang PNP para sa fingerprints dahil gagamit na sila ng mga fingerprint machine.

Pinuri naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang nagawang accomplishment na ito ng PNP.

Si Remulla ang naging panauhing pandangal sa Monday flag raising ceremony ng PNP sa Kampo Krame.

Magiging bahagi na rin ng e-Booking ang kanilang National Police Clearance System, e-subpoena, e-warrant at e-rogue.

Ang National Police Clearance System ay nagbibigay ng real-time verification sa mga criminal record para sa mga nag-aaplay ng police clearance na ginagamit sa pag-aaplay ng trabaho at iba pang transaksiyon sa gobyerno at pribadong sektor.

Mula nang nabuo ang National Police Clearance System, nasa halos 700 wanted person na ang naaresto matapos na mag-aplay ng police clearance.

Kaugnay rito ay isang kasunduan ang nilagdaan sa pagitan ng PNP at pamunuan ng SM Malls at city mall.

Laman ng kanilang memorandum of agreement, maglalagay ang PNP ng mga clearance center sa lahat ng mga mall ng SM Supermalls at city mall sa buong bansa.

Bukas ang stall ng PNP sa mga nabanggit na malls tuwing araw ng Sabado at Linggo.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter