E-Services para sa foreign travellers, target ng BI bago matapos ang taon

E-Services para sa foreign travellers, target ng BI bago matapos ang taon

PLANO pang palawigin ng Bureau of Immigration (BI) ang e-Services bago matapos ang taong 2023 kung saan isasama rito ang lahat ng visa applications.

Ito ay ayon kay Dana Sandoval, tagapagsalita ng BI sa Laging Handa briefing.

Bukod sa e-Services program na binuksan sa publiko ng BI para sa mga dayuhang manlalakbay nitong nakaraang linggo ay plano pang maglunsad ng naturang ahensiya ng iba pang system advancements para mapabuti pa ang serbisyo sa mga biyahero.

Pagtitiyak ni Sandoval target na mailunsad ito sa Setyembre.

Target din aniya ng ahensiya na maglunsad ng green lanes para naman sa mga biyahero sa paliparan.

Aniya ang green lanes ay special lanes para sa mga madalas magbiyahe na Alien Certificate Registration Identity (ACRI) cards o mga may holding long-term visas, tamang documentation, at iba pa.

Matatandaan nitong nakaraang linggo, inilunsad ang e-Services program para sa mga foreign travelers na tutungo sa bansa.

Layon ng programang ito na mas mapadali na ang programa at serbisyong hatid ng BI sa mga foreign tourist na tutungo sa Pilipinas.

Bahagi ito ng kanilang modernisasyon sa BI na malaki ang maitutulong sa mga banyagang nais mag-renew ng kanilang visa immigration clearance certificate at tourist visa extension na kayang gawin sa smart phones.

Welcome naman sa AirAsia Philippines ang modernization efforts para sa pagpapabuti ng serbisyo at programa ng Immigration system sa bansa.

Pagtanggal ng sapatos ng pasahero sa paliparan sa bansa, suportado ng AirAsia Philippines

Samantala, suportado rin ng AirAsia Philippines ang patakaran ng Department of Transportation (DOTr) ang muling pagtanggal ng sapatos ng mga pasahero para sa final security screening.

Naniniwala si Steve Dailisan, ang tagapagsalita ng AirAsia Philippines na ang ganitong hakbang ng DOTr ay alinsunod sa kaligtasan ng paliparan at ng mga pasahero.

Kaugnay rito, inihayag ng Office for Trasportation Security (OTS) na nirerespeto nito ang pagkuwestiyon ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon sa pagtanggal ng sapatos ng mga pasahero sa final security screening sa mga paliparan sa bansa.

Ayon kay OTS administrator Usec. Mao Aplasca sa SMNI, ito’y opinyon ng alkalde pero mauunawaan din ito ni Mayor Biazon kung siya ay nasa posisyon ng OTS.

Tumanggi ring idetalye ni Aplasca sa publiko ang mga security policy at procedures na isa sa mga dahilan kung bakit kailangan alisin ang mga sapatos ng mga pasahero sa tuwing dumadaan sa final security check point sa paliparan.

Binigyang-diin din ni Aplasca na ito ay isang matagal nang patakaran at kasanayan na kailangang mahigpit na ipatutupad upang matiyak ang seguridad sa mahahalagang pasilidad ng transportasyon tulad ng mga paliparan anuman ang antas ng kondisyon ng seguridad.

Ginagawa rin naman aniya, ang pagsisikap ng OTS na gawing balance at maginhawa ang mga pasahero sa kanilang paglalakbay kontra sa pagpapatupad ng seguridad gaya ng pag-alis ng ahensiya ng initial screening sa mga papasok ng paliparan.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter