PEÑABLANCA, Cagayan – Isang masaya at makabuluhang Easter Egg Hunting activity ang isinagawa ng 1st Cagayan Provincial Mobile Force Company (PMFC) ngayong Abril 20 sa tabing-ilog ng Barangay Aggugadan.
Sa nasabing aktibidad, bawat itlog na nahanap ng mga kabataan ay may katumbas na ₱20 at isang libreng libro. Layunin ng programa na bigyan ng kasiyahan ang mga bata, habang sabay na itinataguyod ang kahalagahan ng edukasyon.
Ang mga librong ipinamigay ay bahagi ng proyektong “SKUL CARE” o Students’ Keen Understanding on Localized Community Awareness for a Responsive Environment, na nasa ilalim ng Project ASSIST ng PMFC—isang programang tumutok sa edukasyon, kaalaman, at pagtutol sa radikalisasyon sa mga kabataan.
Sa kabila ng pagiging isang tradisyonal na selebrasyon ng Pasko ng Pagkabuhay, ginamit ng kapulisan ang pagkakataon upang hikayatin ang mga bata na magbasa, matuto, at pahalagahan ang kaalaman bilang sandata sa pag-abot ng kanilang mga pangarap.
Ayon sa mga opisyal ng 1st Cagayan PMFC, layunin nilang ipagpatuloy ang ganitong mga programa sa iba pang bahagi ng lalawigan upang mas maraming kabataan ang makinabang sa mga proyektong pang-edukasyon.