MAHIGIT 200 dating rebelde ang nagbalik-loob sa pamahalaan habang napatay naman sa engkuwentro ang isa sa mga matataas na lider ng komunistang grupo na nag-o-operate sa Mindanao.
“Ipinagmamalaki ko ang bawat isa sa inyo, palakpakan po natin” pahayag ni LtGen. Rex Luis Bergante, Commander, Eastern Mindanao Command, Armed Forces of the Philippines.
Aabot na sa 80% ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) mula sa Mindanao ang nagbalik-loob sa pamahalaan habang 20% naman ang na-neutralize ng kasundaluhan sa nasabing rehiyon.
Ang naturang impormasyon ay kinumpirma ni LtGen. Rex Luis Bergante, kumander ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom) sa isang pulong balitaan na ginanap sa Cagayan de Oro City.
Ang naturang pahayag ay kasunod ng pagkasawi ni Myrna Sularte alyas Maria Malaya na kilalang mataas na lider ng komunistang teroristang grupong CPP-NPA na nag-o-operate sa Mindanao.
“The percentage is 20% ang nakukuha natin sa mga direct action by our troops, 80% really comes from surrenderer,” ayon kay Bergante.
Sa nasabing pagpupulong, ipinaliwanag din ni Bergante ang mga dahilan na nag-aambag kung bakit umabot sa 80% ang rate ng pagsuko ng mga rebelde sa kanilang nasasakupan. Katunayan, nito lang nakaraang linggo, nasa mahigit 200 dating rebelde ang kanilang iprinesenta sa publiko.
Sinabi rin ni Bergante na maraming rebelde ang kumbinsido na ang pagsuko ay hindi magdudulot ng kanilang kamatayan, dahil nasaksihan nila ang suporta na ibinibigay ng gobyerno sa mga nagbalik-loob sa lipunan.
Sa kaniyang talumpati, hinikayat ng opisyal ang mga natitirang kasapi ng komunistang teroristang grupo na sumuko na para hindi matulad sa iba nilang mga kasamahang nasawi dahil sa mga engkuwentro.
“Nais ko rin gamitin ang pagkakataong ito para manawagan sa natitirang rebelde sa kabundukan, sana ay magbalik-loob na kayo habang maaga upang maiwasan ang pagdanak ng dugo tulad nitong mga nakaraang araw,” panghihimok ni Bergante.
Sa huli, sinabi ni Bergante sa mga sundalo ng 4th Infantry Division na huwag bibitaw sa kanilang mga natatamasang katagumpayan dahil malapit na aniya nilang makamit ang kapayapaan sa buong Mindanao.
“Sa lahat ng nandito sa 4th ID sabi ko wag bibitaw, ‘wag natin bibitawan ito nakikita ko malapit na nating ma clear ang halos lahat ng buong Northeastern at North Central Mindanao,” pahayag niya.
Follow SMNI News on Rumble