NAGLABAS ng joint statement ang Philippine Economic Managers ng bansa patungkol sa paglago ng ekonomiya ng bansa para sa second quarter ng 2023.
Sa kanilang pahayag, binigyang-diin ng economic team na posible pa rin ang pag-abot sa 6-7 porsiyento na target na growth rate ng pamahalaan.
Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), lumawak ang Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas para sa ikalawang quarter ng 2023 sa katamtamang bilis na 4.3 porsiyento.
Ito ang nagdala sa real GDP growth ng bansa sa 5.3 porsiyento para sa first semester ng taon.
Upang makamit ang target na growth rate na 6-7 porsiyento para sa 2023, ang GDP ng bansa ay kailangang lumago nang hindi bababa sa 6.6 porsiyento sa ikalawang kalahati ng 2023.
Sa kabila ng mga hamon, naniniwala ang economic managers na ito ay makakamit pa rin.
Saad pa ng economic managers, mahalaga rin na kilalanin ang mga pangunahing dahilan ng paglago para sa unang kalahati ng taon.
Pangunahin sa mga nagpalago ng ekonomiya ng bansa sa unang anim na buwan ng 2023 ay ang mataas na employment rate at panunumbalik ng turismo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Malaki rin ang kontribusyon ng dagdag pamumuhunan at pagbabalik ng physical classes sa mga paaralan.