POSIBLENG palawigin pa ang ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine o ECQ sa Metro Manila.
Ito ayon sa Department of Health (DOH) dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa rehiyon.
Gayunman, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na pag-uusapan pa ito ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).
Batay sa pinakahuling tala ng DOH, nakapagtala ng 8,900 na bagong kaso ng COVID-19 ang bansa, 7,937 na bilang ng gumaling at anim na bagong nasawi.
Mga pulis, pinaalalahanan na sundin lang ang mga panuntunan sa pag-aresto ngayong ECQ
Samantala, pinaalalahanan ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Eleazar ang kanyang mga tauhan na mahigpit na sudin ang mga panuntunan at procedures sa pag-aresto sa mga lumalabag sa quarantine at health protocols.
Inisyu ni Eleazar ang paalala kasunod ng panawagan ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa mga law enforcer na sundin ang mga protocol sa pag-aresto lalo na sa mga lugar na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine.
Tiniyak ng PNP chief sa publiko na laging susundin ng mga pulis ang rule of law sa pag-aresto at pagsita sa mga lumalabag.
Noong Hunyo, nilagdaan ng DOJ at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang internal guidelines para sa mga law enforcer at mga ahensya ng gobyerno sa paghawak ng mga kaso ng paglabag sa health protocols sa gitna ng community quarantine.
Siniguro ni PNP Chief Eleazar na agad pananagutin ng PNP ang mga pulis na magmamalabis o aabuso sa pagpapatupad ng guidelines.
BASAHIN: Maayos at sistematikong distribusyon ng ECQ ayuda, titiyakin