EJ Obiena, muling nagkampeon sa Asian Athletics Championships

EJ Obiena, muling nagkampeon sa Asian Athletics Championships

PATULOY ang paghahari ni EJ Obiena bilang pinakamagaling na pole vaulter sa Asya matapos niyang masungkit ang gintong medalya sa men’s pole vault sa 2025 Asian Athletics Championships nitong Sabado ng gabi.

Sa isang kapanapanabik na jump-off laban kay Huang Bokai ng China, matagumpay na nalampasan ni Obiena ang 5.77 meters sa kanyang unang attempt. Si Huang ay nabigong tumawid sa kahit isa sa kanyang mga pagtatangka sa jump-off, kaya’t nasiyahan na lamang sa pilak.

Parehong nalampasan nina Obiena at Huang ang 5.72 metro ngunit kapwa nabigo sa tatlong pagtatangka sa 5.82 metro, dahilan upang magkaroon ng jump-off.

Nakuha naman ni Patsapong Amsam-ang ng Thailand ang tansong medalya matapos ang lundag na 5.67 meters.

Hindi pinalad na makaabot sa podium sina Hussain Al-Hizam ng Saudi Arabia, na bronze medalist sa Asian Games, at dating kampeon na si Seito Yamamoto ng Japan, na parehong nagtala ng 5.42 metro at nagtapos sa ika-6 at ika-7 puwesto.

Ito na ang ikatlong sunod na pagkakataon na nagwagi si Obiena ng ginto sa Asian Athletics Championships, matapos niyang dominahin ang edisyon noong 2019 sa Doha, Qatar, at noong 2023 sa Bangkok, Thailand.

Bukod dito, ang tagumpay ni Obiena ay ang tanging medalya ng Pilipinas sa kasalukuyang edisyon ng torneo.

Ang men’s pole vault ang huling event sa limang araw na paligsahan.

Asahan namang agad babalik si Obiena sa training bilang paghahanda sa mga susunod na kompetisyon, kabilang ang 2025 Southeast Asian Games sa Bangkok ngayong Disyembre. Layunin niyang depensahan ang kanyang pwesto at lagpasan ang sariling SEA Games record na 5.65 metro, na naitala niya noong 2023 sa Phnom Penh, Cambodia.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble