Ejercito, Zamora handang magharap sa imbestigasyon sa Senado kaugnay sa ‘ayuda scam’

Ejercito, Zamora handang magharap sa imbestigasyon sa Senado kaugnay sa ‘ayuda scam’

ASAHAN na magkakaharap sa imbestigasyon sa Senado ang kilalang magkaribal sa politika kasunod ang pagsiwalat ng umanoy ‘ayuda scam’ sa San Juan City.

“Kaya nga lang minsan naiisip ko, ano ba ang nagawa ng San Juan to deserve a leadership like this. Panay vindictiveness. And the people of San Juan can attest to that. Maraming takot dahil sila ang nakaupo,” saad ni Sen. JV Ejercito.

Sa isang pahayag, araw ng Miyerkules ay sinabi ni San Juan City Mayor Francis Zamora na nakahanda siyang dumaan sa anumang imbestigasyon upang patunayan na malinis ang kaniyang pangalan at maging ang kaniyang administrasyon.

“Handa naman akong harapin ang mga paratang na ito. That is why if ever they will invite me to the Senate I will go there. There is nothing to hide,” ayon kay Mayor Francis Zamora, San Juan City.

Bagama’t bukas dito si Sen. JV Ejecito na siyang nagbisto sa aniya’y kababalaghan sa TUPAD program sa nasabing lungsod ay pakiusap niya nitong Huwebes kay Zamora na ‘wag nang idamay ang mga mamamayan.

“Ang apila ko lang sana kami na lang ang magbangayan sa politika, ang kawawa ‘yung tao eh., ‘Yun ang di ko talaga matiis dahil everytime na nagsasalita ako, ang binabawian naman ay ‘yung mga maliliit,” ani Sen. Ejercito.

Ayon kay Sen. JV nadadamay ang mga mamamayan ng San Juan dahil sa pagiging vindictive ni Zamora. Ang mga ‘di kaalyado sa politika ay hindi binibigyan ng pansin.

Tumanggap din aniya ng kickback mula sa mga ayuda ang mga kaalyadong opisyal ni Zamora.

“Basta iba lang talaga ang pamamalakad ngayon. Makabagog San Juan daw. Maganda sana kung nagbago for the better eh. Nagbago ‘yung kultura,” dagdag ni Sen. Ejercito.

Kaugnay rito ay sinabi naman ni Ejercito na may mga testigong naglakas ng loob na sumalang sa imbestigasyon sa Senado para patunayan ang umano’y ayuda scam.

Ang imbestigasyon sa ayuda scam sa Senado ay pangungunahan ng Senate Blue Ribbon Committee.

“Halos 1 and a half years halos di kami makapasok sa San Juan, ‘di kami pinahihiram ng facilities kasi gusto rin naman mamahagi ng TUPAD at AICS. Ako, Sen. Jinggoy, Sen Grace Poe nakatikim din. Nagawan po namin ng paraan late last year, dun na lang po sa bahay namin at sa isa pang lugar na nakapagbigay kami finally ng TUPAD at AICS. Dun namin narinig na meron pa lang ganitong kababalaghan. May mga beneficiaries na nagsabi, buti pa po sa inyo buo nakukuha,” ani Sen. Ejercito.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble