Ekonomista, pabor sa panukalang magkaroon ng sovereign wealth fund ang Pilipinas

Ekonomista, pabor sa panukalang magkaroon ng sovereign wealth fund ang Pilipinas

NAGBIGAY ng paliwanag ang isang ekonomista kung ano nga ba ang usap-usapan ngayon na proposed bill na sovereign wealth fund (SWF) o Maharlika Investment Fund (MIF).

Kamakailan, inihain ng ilang mambabatas sa pangunguna nina House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, Senior Deputy Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, at iba pang mambabatas ang House Bill 6398, o ang Maharlika Investment Fund Act.

Layon ng naturang panukala na magbuo ng SWF para sa Pilipinas na ipunin ang kita ng ari-arian ng gobyerno.

Ang naturang panukala o ang pagkakaroon ng SWF ay pinaboran naman ng isang ekonomista.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Dr. Michael Batu, isang ekonomista, na sa pamamagitan nito, naging matagumpay ang mga kapitbahay na bansa sa aspeto ng pang-ekonomiya.

Inilahad ng ekonomista na hindi na bago ang SWFdahil sa katunayan, nag-i-exist na ito ng mahigit na 200 taon.

Ibinahagi ni Dr. Batu na ang kauna-unahang SWF ay naitatag sa bansang France noon pang 1816.

At sa ngayon, mayroon nang mahigit na 50 sovereign wealth fund sa buong mundo.

Maging ang mga kapit-bahay na bansa sa ASEAN ay mayroon ding SWFs katulad  halimbawa ng Indonesia, Vietnam, Malaysia at Singapore.

At dito sa Pilipinas, ito ay untapped potential o hindi nagamit na potensyal para kumita ang pamahalaan at para matustusan ang mga programa nito.

“Kaya ako po ay pabor po ako. Pabor po ako na magkaroon tayo ng sovereign wealth fund. Sa ngayon po kasi, may mga proposal po iyan kasi hindi pa naman po ganap na batas iyan, at nasa Mababang Kapulungan pa po itong panukalang batas na ito. Pipinuhin pa po iyan pagdating po sa Senado at sa Bicameral Conference Committee,” pahayag ni Batu.

Gayunpaman, dapat ding matiyak ang  ‘safeguards’ o concerns na dapat isaalang-alang sa pagpapatupad ng Maharlika Investment Fund para maprotektahan ang pera ng bayan.

Iginiit din ni Dr. Batu na mahalaga o kinakailangan din na magkaroon ng transparency dito.

“In fact, doon mismo sa panukalang batas ay nakasaad doon na susunod ang Maharlika Investment Fund na iyan sa tinatawag nating Santiago Principles. Ang Santiago Principles, iyan po ay nilagdaan ng mga bansa na mayroong mga sovereign wealth funds para po masiguro na susunod po itong mga bansa na may mga sovereign wealth funds sa mga standards of transparency,” ayon kay Batu.

Kailangan ding sumunod ang mga bansa na may SWFs, hindi lang doon sa rules and regulations ng mga bansa na iyan, kung hindi doon din sa mga bansa na pinag-i-invest-an nila.

Kaya kailangan ding sumunod ang mga bansang ito sa mga patakaran sa transparency.

Kaugnay dito, inilahad din ng ekonomista kung gaano kahalaga na maisabatas sa lalong madaling panahon ang Maharlika Investment Fund bill o panukala na layong magbuo ng SWF.

Aniya, isa kasi sa mga hakbang para ma-modernize ang pamahalaan ay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng SWF.

“In fact, sinasabi ko nga iyan sa mga kinakausap ko na kapag iyan po ay nangyari, nagkaroon tayo ng sovereign wealth fund, isa po ito sa mga hakbang para po ma-modernize ang ating pamahalaan. Kasi hindi na po tayo kagaya noon na wala tayong ganitong paraan para po ang ating pamahalaan ay makilahok sa merkado ‘no, sa pag-i-invest,” ani Batu.

Nagbigay naman ng maikling paliwanag si Dr. Batu kung ano nga ba ang MIF.

Aniya, ang MIF ay isang halimbawa ng tinatawag na SWFs.

Sa pamamagitan ng SWFs, kapag naitatag ito, magkakaroon ng pagkakataon ang isang gobyerno na mag-invest o sumali sa mga merkado kagaya ng pagbili ng stocks o bonds, at pwede rin ng commercial real estate.

“Ang tradisyonal kasi na role ng isang gobyerno ay mangolekta ng buwis at gastusin ang mga buwis na ito para sa mga programa ng pamahalaan,” ani Batu.

“Sa pamamagitan ng sovereign wealth funds, kapag naitatag ito… puwede rin po ang pamahalaan na bumili ng mga hedge funds at ng mga exchange traded funds,” dagdag nito.

Sa madaling sabi, ani Batu, puwedeng makapag-invest ang pamahalaan sa pamamagitan ng MIF.

Bukod doon sa nabanggit na safeguards sa pagpapatupad ng MIF, binigyan-diin din ng ekonomista na dapat magkaroon ng advisory board para magkaroon ng tinatawag na extra layer of accountability.

Follow SMNI News on Twitter