ANG ating mga Overseas Filipino Workers (OFW) ay ang ating mga itinuturing na mga makabagong bayani sa modernong panahon.
Dahil malaking-ambag ang kanilang pinapadalang remittances sa pagpapasigla ng ekonomiya ng bansa sa kabila ito ng lungkot sa pamilya at kung minsan ay nakararanas pa ng pagmamaltrato ng kanilang mga employer.
Ayon sa isang geopolitical and economic consultant na si Professor Mario Ferdinand Ayanopan, sa panayam ng SMNI News, dahil sa ambag sa ekonomiya ng mga OFW, malaki ang magiging epekto ng kanilang isasagawang Zero Remittance Week.
“Malaking epekto ‘yan sa mga namumuno ngayon dahil alam naman natin kaya lamang nagsu-survive ang ating ekonomiya ay dahil sa OFW remittances. Kasi wala namang manunufacture ang Pilipinas at walang din tayong napo-produce, nag-i-import tayo lahat, bigas kahit nga pako ng bakya ano simpleng simple ini-import pa natin,” saad ni Prof. Mario Ferdinand Ayanopan, Geopolitical and Economic Risk Consultant.
Maliban sa pag-i-import ng mga kalakal, ang ipinapadalang dolyares ng mga OFW ay ginagamit din sa pagbabayad ng utang ng Pilipinas.
“So, kung hindi po mag-reremit ng US Dollars ang ating OFWs, maakpektuhan ang ating importation at mahihirapan ang mga namumuno ngayon dahil umaasa lang talaga, the Philippine economy is just kept afloat thru OFW remittances dahil malaki ang ating utang denominated in US Dollar, maapektuhan din ang pagbabayad ng ating utang if a significant portion of our OFWs will stop remitting US Dollars into the Philippines,” ani Ayanopan.
Una ng inanunsiyo ng Maisug Croatia na magsasagawa sila ng “Zero Remittance” Week simula, Marso 28 bilang pagtutol sa ginawa ng Marcos Jr. administration kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Para sa mga tagasuporta ng dating Pangulo, hindi sila sang-ayon sa ginawang pagsuko ng pamahalaan kay Duterte sa International Criminal Court o ICC lalo’t wala na itong hurisdiksyon sa Pilipinas noon pang administration ng dating Pangulo.
Ilegal din anila ang ginawa nilang pag-aresto sa dating Pangulo at hindi binigyan ng due process.
Bukod naman sa pagkondena sa Marcos administration, pagpapakita rin ito ng mga OFW ng kanilang pagmamahal at pagmamalasakit sa dating Pangulo kung saan sa panahon nito ay ramdam nila ang tunay na kalinga ng pamahalaan at ng isang ama.
Sa ngayon, walang ibang hiling ang ating mga makabagong bayani sa pagdiriwang ng kaarawan ng dating Pangulong kundi ang maiuwi ito sa Pilipinas.