MAY paglilinaw ngayon ang isang oil industry player sa magiging presyuhan ng langis sa Pilipinas ngayong matinding tag-init sa Pilipinas.
Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na isa sa magiging pinakamainit na mga taon sa Pilipinas ang 2024.
Partikular na sa mga buwan ng Marso, Abril, at Mayo o ang tinatawag na dry months.
Dito sa Metro Manila, inaasahan ang pagtama ng meteorological dry spell o drought sa Pebrero.
At sa ibang mga lugar kagaya sa Cagayan Valley Region, inaasahan na lalampas pa sa 40 degrees Celcius ang init ng panahon.
Ayon sa National Economic Development Authority (NEDA) nito lamang buwan ng Disyembre, may malaking epekto ang El Niño phenomenon sa presyo ng mga bilihin.
Lalo na sa usapin ng pagkain at inflation.
“Because if food prices will pick up then the gains we have made in licking inflation will be reversed. And we don’t want that. And we go back again to the old cycle of high inflation, high-interest rates, low demand, and low growth. We don’t want that,” pahayag ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan.
May malaking dulot sa presyuhan ng pagkain sa Pilipinas ang pagtaas sa presyo ng langis.
May epekto naman kaya ang El Niño sa lingguhang price increase o decrease sa mga produktong petrolyo?
Narito ang paliwanag ng isa sa mga oil industry player sa Pilipinas.
“We don’t expect it to affect of price of fuel pero magulo ‘yung fuel prices. Especially last year hindi rin namin maintindihan,” saad ni Atty. Bong Suntay, President and CEO, Cleanfuel.
Aminado naman si Atty. Suntay na inakala nilang sisipa ang presyo ng langis nang sumiklab ang Israel-Hamas war.
“Everyone was expecting na tataas ang presyo ng fuel. But, the opposite happened. Bumababa ‘yung presyo ng fuel. And we hope it continues to go down,” dagdag ni Suntay.
Inaasahan namang tataas ang presyo ng langis ngayong linggo.
Ayon sa Oil Industry Sources, nasa P0.80-P1.00 per liter ang itataas sa diesel.
P0.20-P0.40 per liter sa gasolina at P0.70-P0.90 per liter sa kerosene.