El Niño phenomenon, umiiral na—PAGASA

El Niño phenomenon, umiiral na—PAGASA

OPISYAL nang inanunsiyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na umiiral na ang El Niño phenomenon sa Dagat Pasipiko.

Ito ang kinumpirma ng PAGASA matapos ang press conference, umaga ng Martes, Hulyo 4.

Kung kaya’t, itinaas ng PAGASA sa El Niño Advisory ang pagbabantay mula sa El Niño Alert noong Mayo.

Ibig sabihin, malaki ang presensiya na epekto ng El Niño phenomenon lalo’t nagkaroon na ng mainit na temperatura sa sea surface ng karagatan.

Paliwanag ng PAGASA, nararanasan ngayon ang weak El Niño o ang mahinang epekto nito sa bansa.

Ngunit inaasahang titindi pa ito sa mga susunod na mga buwan.

Sa panahon ng El Niño sa buwan ng Hulyo, Agosto at Setyembre, ay hindi pa nakikita ng PAGASA na magkakaroon ng kakulangan sa tubig-ulan.

Dahil sa kasalukuyan ay nasa above normal rainfall pa bunsod ng habagat.

Kaya naman ang Kagawaran ng Pagsasaka ay mas hinihikayat pa ang mga magsasaka na magtanim.

Tubig sa Angat Dam, malapit nang maabot ang minimum level—PAGASA

Ngunit, asahan naman na magkakaroon ng 60% reduction ng tubig ulan sa buwan ng Oktubre, Nobyembre, at Disyembre.

Ito rin ang nakikitang dahilan sa posibleng patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam.

Batay sa monitoring ng PAGASA, alas sais ng umaga, Hulyo 4 ay bumaba pa sa higit 181 meters ang lebel ng tubig sa dam.

Halos malapit na ito sa 180 meters na minimum operating level.

MWSS: Posibleng magpatupad ng panibagong water service interruption dahil sa patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam

Kaya naman, nababahala ang Metropolitan Water Works and Sewerage System (MWSS) na posibleng magpatupad ng panibagong water service interruption ang mga water concessionaire.

Inaasahang maapektuhan ng patuloy na pagbaba ng suplay tubig ang higit 600,000 konsyumer ng Maynilad.

Lalo’t sa Oktubre, Nobyembre at Disyembre ay makararanas din ng dry spell at drought sa ilang bahagi ng bansa.

Asahan sa katapusan ng Enero 2023 ay nasa 17 probinsiya pa rin ang makararanas ng dry spell habang 26 naman ang makararanas ng drought.

Sinabi pa ng PAGASA, magdudulot ito ng masamang epekto sa ilang bahagi ng bansa na tinatawag na climate sensitive sector tulad ng water resources, agrikultura, enerhiya, kalusugan at public health.

Mitigating measures ng agri sector vs El Niño, nakahanda na—DA

Nakahanda na rin ang Department of Agriculture (DA) sa pamamahagi ng drought resistant seeds.

Pero ayon sa PAGASA, may magagawa ang mga ordinaryong Pilipino upang maibsan ang epekto ng El Niño sa bansa.

Sa kabila ng banta ng El Niño sa bansa, sinabi naman ng PAGASA na malaki ang posibilidad na magkaroon pa rin ng bagyo.

Nasa 10 hanggang 14 na bagyo ang posibleng tatama sa bansa hanggang sa katapusan ng 2023.

Habang nasa 2 hanggang 4 na bagyo naman ang inaasahan ngayong buwan ng Hulyo.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter