Election protest laban kay Manila City Mayor Honey Lacuna, ibinasura ng COMELEC 2nd Division

Election protest laban kay Manila City Mayor Honey Lacuna, ibinasura ng COMELEC 2nd Division

HINDI kinatigan ng Commission on Elections (COMELEC) 2nd Division ang election protest ng abogadong si Alex Lopez  laban kay Manila Mayor Honey Lacuna.

Nitong Sabado, lumabas na ang desisyon ng COMELEC laban sa reklamong “mass vote buying” ni Lopez laban sa bagong upong alkalde ng Maynila na si Honey Lacuna-Pangan.

Sa ruling ng COMELEC 2nd Division, nakasaad na ang reklamo ni Lopez ay kulang ng sapat at kapani-paniwalang ebidensya para idiin si Mayor Lacuna sa alegasyon na namili ito ng boto para manalo noong May 9 elections.

Matatandaan na si Lopez ay nakalaban ni Lacuna sa mayoral race noong nakaraang eleksyon pero natalo matapos makakuha lamang ito ng 166, 908 votes kung ikukumpara sa 538, 595 na nakuha ni Lacuna.

Ayon sa dibisyon, kahit pa mapunta kay Lopez ang mahigit 31, 000 votes na inirereklamo nito ay si  Lacuna pa rin ang panalo.

Doon naman sa reklamo ni Lopez na iligal na gumamit ng public facilities, equipment, funds, at iba pang resources ang mayora, payo ng COMELEC na ihain ang reklamo sa Law Department para ito ay maimbestigahan.

Ikinatuwa naman ng panig ni Manila Mayor Honey Lacuna ang naging desisyon ng COMELEC.

Ayon kay Lacuna, sa kabila na karapatan ni Lopez ang magprotesta, ang realidad aniya ay suportado ng mga Manilenyo ang nakaupong administrasyon.

 “While it is Mr. Lopez’ right to file a protest as he sees fit, the reality is that the people of the City of Manila have overwhelmingly expressed and placed their support for the current, duly elected city administration.  All the voters in our city deserve to have their collective choice recognized and given due course for the remainder of the incumbent’s term,” pahayag ni Lacuna.

“Furthermore, we are grateful that the Comelec Second Division has also recognized, and ruled accordingly, that these allegations of electoral fraud, irregularities, and anomalies remain just that:  allegations that have no actual proof; no evidence has been found to support any of these claims,” dagdag ng mayora.

Sinabi naman ni Lacuna, ang lahat ay bumalik na sa kanilang mga trabaho para matulungan ang mga Manilenyo dahil mas marami aniyang mas seryosong problemang kinakaharap ang mga ito.

Follow SMNI NEWS in Twitter