IPINAGMAMALAKI ng Joint Task Force Central at ng 6th Infantry Division na nagtapos nang mapayapa at walang naitalang nasawi sa buong Joint Operational Area ng nasabing unit ng sundalo nitong nagdaang halalan.
Ito’y sa kabila ng ilang mga pagkaantala at tensiyon sa ilang mga bayan kasunod ng halalan ngayong Mayo 12 lang.
Kung matatandaan, sa mga lugar tulad ng Datu Odin Sinsuat ay nagkaroon ng maagang tensiyon sa mismong araw ng halalan dahil sa mga sigalot hinggil sa komposisyon ng Electoral Boards. Isang partido umano kasi ang humiling na palitan ang mga guro ng mga pulis, sa alegasyong sila’y may kinikilingan.
Nagdulot ito ng panandaliang kaguluhan sa lokal na tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC).
Gayunpaman, napanatili ng mga sundalo ang maximum tolerance, ipinamalas ang disiplina at pagpigil sa sarili, at tiniyak na walang sinumang residente o botante ang nasaktan sa pangyayari.
Sa pamamagitan ng propesyonalismo at mahinahong pagharap, nakontrol ng 6th ID ang sitwasyon at ipinagpatuloy ang botohan.
Ayon sa pamunuan ng 6th ID, ang kabuuang tagumpay sa araw ng halalan ay hindi magiging posible kung wala ang matibay na pagtutulungan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), COMELEC, pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), mga lokal na opisyal, mga miyembro ng civil society, at lalo na ang mga katuwang sa media na nagpalaganap ng tumpak na impormasyon at tumulong na mapanatili ang pagiging mapagmatyag ng publiko.
Bilang pagkilala sa nasabing tagumpay, pinuri ni MGen. Donald Gumiran ng Philippine Army, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, ang tropa ng mga sundalo na nagpamalas ng kanilang pagiging propesyunal at pangakong sundin ang prinsipyo ng demokrasya.
“The successful and peaceful conduct of the May 12 National and Local Elections is a testament to what we can accomplish through unity and vigilance. I commend all our troops for their discipline, professionalism, and commitment to our democratic principles. I also extend my deepest appreciation to our partners in the PNP, COMELEC, local government units, civil society organizations, and especially the Bangsamoro people for their cooperation and resolve in upholding peace,” saad ni MGen. Donald Gumiran
Commander, 6ID, Philippine Army.
Bagamat aminado ang opisyal na mayroong mga hamon na sumulpot, agad naman aniya itong tinugunan ng mga sundalo. Binigyang-diin pa ni Gumiran na ito aniya’y hindi lamang isang operasyon para sa seguridad—ito’y pagtatanggol sa demokrasya at tiwala ng publiko.
Aniya, ang kawalan ng nasawi ay hindi lamang isang estatistika, kundi patunay na epektibo ang sama-samang paninindigan para sa mapayapang resolusyon at pagsunod sa batas.
“While challenges did arise, our forces responded with restraint and clarity of purpose. This was not merely a security operation—it was a defense of democracy and public trust. The absence of fatalities is not just a statistic; it is proof that our shared commitment to peaceful resolution and lawful conduct works,” dagdag ni Gumiran.