NAGBABALA ang Philippine Embassy sa Cambodia laban sa mga sindikato na nag-aalok ng pekeng tulong at “rescue” sa mga Pilipinong biktima ng human trafficking sa social media, na nagpapaalala na ang Embassy lamang ang opisyal na kinikilala ng gobyerno ng Cambodia para sa mga ganitong kaso.
Pinag-iingat ng Philippine Embassy ang mga Pilipino sa Cambodia laban sa mga nagpapanggap na rescuers.
Isang mapanganib na kalakaran ang unti-unting lumalabas: ang paglitaw ng mga indibidwal at grupo sa online na nag-aalok ng agarang pagsagip at pag-uwi sa mga Pilipinong biktima ng human trafficking sa Cambodia.
Nilinaw ng Embahada ng Pilipinas sa Cambodia na sila lamang ang opisyal na kinikilala ng Royal Cambodian Government (RGC) para sa diplomatic at consular assistance.
Ang mga nag-aalok ng “rescue” nang walang koordinasyon sa Embassy ay maaaring mga mandarambong na nagsasamantala sa desperasyon ng mga biktima.
Ang proseso ng Assistance to Nationals (ATN) at repatriation ay may mga hakbang na dapat sundin. Kailangan ang agarang pakikipag-ugnayan sa Cambodian National Police (CNP) sa loob ng 24 oras matapos matanggap ang kahilingan.
Awtomatiko ring ilalagay sa kustodiya ng Cambodian o immigration authorities ang mga indibidwal para sa interbyu at assessment. Kung mapatunayang biktima ng human trafficking, ipapasa sila sa Ministry of Social Affairs, Veterans and Youth Rehabilitation para sa proteksyon at tulong. Kung hindi naman, ire-refer sila sa General Department of Immigration (GDI) para sa pagproseso ng exit clearances.
Mahalagang tandaan na ang proseso ay maaaring tumagal ng hanggang tatlong buwan dahil sa dami ng mga kaso at limitadong kapasidad ng mga holding facilities sa Cambodia.
Ang pagmamadali at pagtitiwala sa mga hindi awtorisadong indibidwal ay maaaring magdulot ng karagdagang panganib at paghihirap sa mga biktima.
Nanawagan ang Embassy sa publiko na maging mapagmatyag at makipag-ugnayan lamang sa kanila para sa lehitimong tulong.
Follow SMNI News on Rumble