Enrile sa joint exploration ng China at Pilipinas: Tama na ayusin natin ‘yan

Enrile sa joint exploration ng China at Pilipinas: Tama na ayusin natin ‘yan

PABOR si Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile na ituloy ang naudlot na negosasyon ng China at Pilipinas kaugnay sa joint oil exploration sa West Philippine Sea (WPS).

Enero ngayong taon nang ideklarang unconstitutional ng Supreme Court ang 2005 pact ng China, Vietnam, at Pilipinas.

Ito’y para sa isang joint oil exploration sa pinagtatalunang teritoryo sa WPS.

Ayon sa Kataas-Taasang Hukuman, nilabag ng kasunduan ang Konstitusyon matapos payagan ang state-owned companies ng Vietnam at China na maghanap ng langis sa WPS.

Fast forward ngayong buwan ng Abril, sinabi ng Department of Foreign Affairs na itutuloy ng Pilipinas ang ‘exploratory talks’ para sa oil and gas exploration sa pinagtatalunang teritoryo.

 “In any negotiation on oil and gas, the Philippine position has always been that we will be guided by the constitutional requirements. And that’s how we will proceed in the next round,” ayon sa Department of Foreign Affairs.

Ang abogado ng Pangulo na si Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile, suportado ang bagong development.

“Tama na ayusin natin yan. At meron nang inatasan ang Presidente natin na mag-aayos niyan. Totoo na merong desisyon ang Korte Suprema base sa Saligang Batas 1987, panahon ni Cory yan,” pahayag ni Sec. Juan Ponce Enrile, Chief Presidential Legal Counsel.

Saad ni Enrile, marami silang inaayos na probisyon sa 1987 Constitution dahil may mga bahagi ito na ‘pinipilay’ ang pamahalaan.

“Marami kaming inaayos dahil diyan sa Saligang Batas na yan. Tinalian ang ehekutibo ng ating bansa, pinilay. Ewan ko kung bakit? Para maging mahina, napakahina ang Executive Department ng ating bansa. Sa ating ekonomiya, lalo na,” dagdag ni Enrile.

Binigyang-diin naman ni Enrile na unfair na China at Vietnam lamang ang makikinabang sa joint exploration sa WPS.

Kaya, inaayos aniya ng administrasyon ang mga parameters dito.

“Imagine mo yan? Vietnam and China, can get together and exploit? All the resources of the South China Sea? or West Philippine Sea without us? Bakit? Papayag ba kayo? Ha?” ayon pa kay Enrile.

PBBM sa komento ng Chinese envoy sa Taiwan OFWs: Must have been lost in translation

Samantala, hindi naman nagpadala si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa negatibong pagtingin ng iilan sa isang pahayag kamakailan ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian.

Patungkol ito sa kaligtasan ng mga OFW na nagtatrabaho sa Taiwan.

Sabi ni Ambassador Huang na dapat tutulan ng Pilipinas ang kasarinlan ng Taiwan kung may malasakit aniya tayo sa mahigit 150,000 OFWs doon.

Ngunit para kay Pangulong BBM…

“I think it must have been an element yung lost in translation. English is not his first language but I am very interested to know what is it that he meant,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Tingin din ng Pangulo, ayaw lamang ng Chinese envoy na susugan, dumagdag sa tensiyon para sa kaligtasan ng mga pinoy doon.

“I interpret it as him trying to say that you should not, the Philippines do not provoke or intensify the tensions because it will impact badly on the Filipinos… That’s how I take it but I will be talking to the ambassador soon and I am sure he will be very anxious to give his own interpretation of what he was trying to say,” saad ng Pangulo.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter