Epekto ng umano’y ‘polvoronic video’ sa Marcos Jr. admin, ipinaliwanag ng isang law expert

Epekto ng umano’y ‘polvoronic video’ sa Marcos Jr. admin, ipinaliwanag ng isang law expert

MAY komento ngayon ang isang law expert sa legality ng matunog ngayon na ‘polvoronic video’ na inuugnay kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

“So ‘yung polvoronic video pong ‘yan—game changer. ‘Pag lumabas po ‘yan—game finished,” pahayag ni Atty. Harry Roque, International Law Expert | Former Presidential Spokesperson.

Sa kaniyang pinakahuling YouTube vlog ay ipinaliwanag ng international law expert na si Atty. Harry Roque ang epekto ng umano’y ‘polvoronic video’ na inuugnay ngayon kay Pangulong Marcos.

Ang video na sinasabi ng isa sa mga kritiko ng administrasyon—ang vlogger na si Maharlika ay naglalaman ng paggamit diumano ni Marcos Jr. ng cocaine.

Nilinaw ni Roque na hindi nito sinasabi na mayroong ganoon na video.

Pero, ipinagtanong aniya nito kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

“Sa katunayan, noong tinanong ko si dating Presidente kung nakita niya ‘yung polvoronic video—sabi niya ay binibigyan ako ng kopya—hinindian ko dahil ayaw kong magkaroon ng kopya niyan. Ang sabi niya, may kopya niyan ang militar,” dagdag ni Atty. Roque.

Pero ano nga ba ang magiging epekto nito sa kasalukuyang Pangulo sakaling meron ng nito?

Lalo na sa mandato ng isang Punong Ehekutibo bilang numero unong tagasunod at tagapagpatupad ng batas—lalo na kontra sa illegal drugs.

Gamit ng ilegal na droga ng isang Presidente, impeachable offense—Law Expert

“‘Yun nga po, magiging impeachable offense siya, dahil kung mapatunayan ngang gumagamit ng polvoron, ay ‘yan po ay culpable violation. Hindi lang, betrayal of public trust! Dahil ang betrayal of public trust po, ‘yan ay default—walang specific na definition ‘yan sa ating constitutional law kung hindi anong bagay na mag-reresulta sa kawalan ng tiwala ng taumbayan. ‘Yung pagtataksil sa tiwala na ibinigay sa isang tao. ‘Yan ‘yung tinatawag na betrayal of public trust,” ayon pa kay Roque.

Diin ni Roque, crucial ang issue ng illegal drug use sa isang presidente ng bansa.

Lalo na sa pagpapasya ng mga bagay-bagay na may kaugnayan sa foreign policy.

“Aba’y gumagawa ka ng mga desisyon kung aawayin mo ang Tsina. Kung ikaw ay iiyak sa Amerikano para magkaroon ng giyera sa ating bakuran no? Eh kung ikaw pala’y ay nasa impluwensya ng polvoron, eh baka mamaya mali ang decision mo. So ngayon, kukwestyunin ng taumbayan, all along mga importanteng decision na ginagawa ng presidente kung siya ay nasa influence ng polvoron—nasa tama ba siyang pag-iisip noong ginawa niya ‘yung mga decision na yan? ‘Yan po ang nakasalalay,” diin ni Roque.

Oras na lumabas ang video, nakikita ni Roque na itatanggi ito ng Presidential Communications Office—at uungkatin kung sino ang pinagmulan nito.

Pero hindi maitatanggi na ebidensiya na maituturing kung lalabas ang video.

Ebidensiyang sasagot sa pagdududa ng taumbayan.

At kung darating man ang panahon na hindi bababa sa puwesto ang Pangulo kung totoo mang may video—ito ang worst case scenario para sa batikang abogado.

“At kung dumating sa punto na talagang galit na galit na ang taumbayan at nais nang bumaba sa pwesto ang presidente dahil hindi siya duminggin sa tawag ng mga taumbayan, eh may posibilidad talaga na magkaroon ng malawakang pag-aaklas. At ‘pag ‘yan po ay nangyari, kinakailangan pumanig na ang ating mga kasundaluhan at mga kapulisan. Papanig ba sila doon sa kapayapaan? O papanig ba sila doon sa paggamit ng dahas para mapanatili sa gobyerno ang isang gobyerno na posibleng matakwil ng taumbayan kung lumabas nga ‘yung video ng polvoronic na yan,” aniya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble