PANSAMANTALANG sinuspinde ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang operasyon ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Sa pagdiriwang ng ika-122 anibersaryo ng Labor Day sa Malacañang nitong Miyerkules, sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na dahil sa matinding init, tumataas ang konsumo ng kuryente na nakakadagdag sa pag-akyat ng presyo nito.
Dahil dito, kumilos na ERC para pansamantalang itigil ang operasyon ng WESM.
Ginagawa ito kapag may idineklarang Red Alert ang System Operator na National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Layon nitong pigilan ang pagtaas ng presyo ng kuryente sa gitna ng kalamidad na dulot ng El Niño.
Ang WESM ay nilikha sa bisa ng Section 30 ng Republic Act No. 9136, o kilala bilang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) of 2001.
Ito ay isang trading market para sa kuryente sa Pilipinas at nakabatay ang presyo nito sa kasalukuyang pangangailangan at kakayahan ng mga generator.
Ayon sa pamahalaan, ang power system ay nakararanas ng overload dahil sa tagtuyot.
Kaya naman, patuloy umanong sinusubaybayan ng gobyerno ang sitwasyon dahil sa pagtaas ng demand.
Una na ring hinihimok ang NGCP na magtayo ng mga transmission lines para mapalakas ang kinakailangang kuryente, lalo na sa mga lugar na hindi konektado sa grid.