MAITUTURING na pang-iinsulto para sa mga Duterte ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nais nitong makipagsundo sa kanila.
“Hahaha, katawa-tawa naman ‘yan,” pahayag ni Norberto Gonzales, Former Defense Secretary.
Ito ang naging prangkang reaksiyon ni dating National Defense Secretary Norberto Gonzales sa eksklusibong panayam ng SMNI News kaugnay ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nais nitong makipagkasundo sa mga Duterte.
Matatandaang sinabi ni Marcos Jr. na ayaw na niya ng gulo at kaaway. Pero para kay Gonzales, insulto lamang ito sa mga Duterte.
Paliwanag pa niya, bakit pa makikipagkasundo si Marcos Jr. sa pamilya Duterte kung naipakulong na nito ang dating Pangulo at may nakaambang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte?
Para kay Gonzales, malinaw na isa itong anyo ng pambabastos sa pamilya.
“’Wag mo namang gawing tanga ‘yong, pagkatapos mo ipaaresto ‘yong tatay, iimpeach mo pa tapos sasabihin mong hindi, magkasundo na lang tayo. Mahirap ‘yan.”
“Ika nga, inaapi mo na, ‘wag mo nang insultuhin pa kasi lalo lang magagalit ‘yan,” giit ni Gonzales.
Dahil dito, payo ni Gonzales kay Pangulong Marcos Jr.—itigil na ang pagkukunwari at huwag nang magbalat-kayo at kunwari’y naghahangad ito ng pagkakaibigan, lalo na kung ang mga kilos naman niya ay malinaw na salungat sa kaniyang pinagsasabi.
“Kung may gagawin siya, ituloy mo na. ‘Wag ‘yong kunyari friendly siya. Dapat kung may binabalak siya na para ibagsak ‘yong kalaban niya, linawin niya at ituloy niya,” aniya.
Wala pang opisyal na pahayag mula sa kampo ng mga Duterte kaugnay sa panibagong pahayag ni Marcos Jr.
Sa kabila nito, matatandaan na nauna nang iginiit ni Vice President Sara Duterte na hindi siya ang klase ng taong pumapayag sa areglo, lalo na sa mga taong aniya’y nanggulo sa kaniya at sa kanilang pamilya.