MARCOS Resign! Marcos Resign! Marcos Resign! Ito ang sigaw ng milyun-milyong Pilipino ilang buwan bago ang mismong araw ng halalan.
Trending sa social media ang kaliwa’t kanang kilos-protesta ng milyun-milyong Pilipino mula Luzon, Visayas, Mindanao, at maging sa iba’t ibang lugar sa ibayong dagat.
Bago pa ang halalan, ramdam ng marami ang galit at pagkadismaya sa kasalukuyang administrasyon dahil sa walang pakundangang korapsiyon, abuso sa kapangyarihan, at ang pagyurak sa karapatang pantao ng mamamayan.
Kaya’t upang sa mapayapang paraan maipakita ang panawagan para sa pagbabago, ang eleksiyon ang nakita ng taumbayan bilang paraan para wakasan ang tumitinding krisis at kahirapan.
Ngunit kabaligtaran ang naging resulta.
Marami ang nadismaya at hindi makapaniwala na hindi nanalo ang DuterTEN Senatorial Slate na inaasahan sanang magsusulong ng kapakanan ng sambayanan at magpapatuloy sa mga nasimulang reporma ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Para kay dating Defense Secretary at 2025 senatorial candidate Norberto Gonzales, malinaw na nagkaroon ng dayaan noong halalan.
“Ako pakiramdam ko talaga medyo na daya tayo,” ayon kay Norberto Gonzales, Former, Defense Secretary.
Sa eksklusibong panayam ng SMNI News, binigyang-diin ni Gonzales ang kaniyang pagkabigla sa pagkapanalo ng ilang kandidato na, ayon sa kaniya, ay hindi pasok sa mga survey at ang mas matindi pa dahil sinusuka na sila ng taumbayan.
“Pati ‘yong mga supporter nila mismo ang nagsasabing uy milagro nanalo ‘yong mga kandidato natin,” dagdag ni Gonzales.
Kaya para sa kaniya hindi pa man nagsisimula ang halalan ay may mga nanalo nang kandidato.
Aniya, magkahiwalay ang operasyon ng umano’y dayaan sa lokal at pambansang antas. Sa national level, aniya, malinaw na may kontrol na mula sa itaas, mula sa sentro ng kapangyarihan. Maging ang pagkakaayos ng ranggo batay sa dami ng boto, tila planado at sistematikong isinagawa.
Sa ngayon, patuloy na nangangalap ng karagdagang ebidensiya ang kampo ni Gonzales ukol sa umano’y dayaan.
Hinihintay na lang din aniya nila ang resulta ng mas malalim na pag-aaral. Subalit sa inisyal na pagsusuri, kapansin-pansin umano ang pare-parehong pattern ng kaniyang ranking sa napakaraming probinsiya na isang indikasyon na posibleng may sistemang kumikilos sa likod ng resulta.
Kaya para sa kaniya, panahon na upang baguhin ang mismong sistema ng pagboto sa Pilipinas.
“Unang-una, ang gusto kong makita na magkaroon tayo ng bagong electoral system. ‘Yong electoral system natin, kahit anong sabihin natin, sa dami ng hindi nagtitiwala diyan, eh hindi ‘yan ang electoral system na dapat gagamitin natin. Walang tiwala ang sambayanan eh. Marami ang nagdududa eh. Bakit mo pipiliting gamitin? So, ibahin natin ang electoral system natin,” giit nito.
Ex-DND Secretary, suportado ang ginagawang pagkuwestiyon ni Pastor Apollo Quiboloy sa resulta ng halalan
Samantala, kaugnay nito suportado naman ni Gonzales ang ginagawa ngayong kilos protesta ni Pastor Apollo C. Quiboloy laban sa COMELEC.
Sinabi ni Gonzales na nais niyang mapabilang sa mga grupo o indibidwal na nagsusulong ng tunay na pagbabago. At isa sa mga kinikilala niyang lider na may ganitong paninindigan ay si Pastor Quiboloy, ang spiritual leader ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
“Ako, gusto ko sana na masali ako doon sa tama at totoo at kailangan ng taong bayan natin. Ang mga mamumuno sa mga ganyang klaseng kilos, ‘wag nating payagan na laruin lang ‘yan ng kung sino-sino.”
“‘Yan, ‘pag nadidinig ko si Pastor na nagsasalita na talagang tunay na pagbabago—sali ako diyan,” aniya.
Sa huli, aminado si Gonzales na hindi magiging madali ang pagbasag sa kasalukuyang sistema, pero buo ang kaniyang paninindigan na suportahan ang mga nais ng tunay na reporma.
“Marami nang magfa-file, e ‘di susuportahan na lang. Meron akong mga napipiling susuportahan. Sasali ako diyan.”
“Eh ako, kilala ko naman si Pastor eh. Malalim mag-isip ‘yan. Palagay ko, nararamdaman niya rin ang pangangailangan ng tunay na pagbabago. Lalong-lalo na sa electoral system natin, kasi ‘yan ang namimili ng lider natin eh,” pagtatapos ni Gonzales.