Ex-Defense Secretary: Patakaran at batas laban sa korapsiyon dapat malinaw

Ex-Defense Secretary: Patakaran at batas laban sa korapsiyon dapat malinaw

SUNOD-sunod ang malalaking kaganapan sa bansa sa mga susunod na araw at buwan na tiyak na aabangan ng milyun-milyong Pilipino.

Una, ang magiging resulta ng 2025 midterm elections na kapana-panabik dahil maraming Pilipino ang nagnanais na magkaroon ng pagbabago sa kasalukuyang namamahala sa bansa.

Pangalawa, ang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Mag-aapat na taon na kasi ang kasalukuyang administrasyon, pero wala pa itong kongkretong programa o nagawang makabuluhang solusyon upang maibsan ang paghihirap ng maraming Pilipino.

Para kay Norberto Gonzales, tila unti-unting nawawala ang mga resulta ng kanilang trinabaho noong mga nagdaang administrasyon.

Kung matatandaan, kabilang si Gonzales sa mga grupong nagpatalsik sa rehimeng Marcos dahil hindi nila natiis ang matinding korapsyon at pagyurak sa karapatang pantao. Ito ang mga isyung para sa kanya ay tila muling bumabalik sa panahon ngayon ni Marcos Jr.

“Ngayon sa panahon na ‘to medyo ‘yong pinagpaguran yata namin noon medyo nawawala na ‘yong mga gains, para lumulubha pa. Sa halip na gumanda ang buhay sa bayan natin, medyo lumulubha pa,” ani Norberto Gonzales, Senatorial Candidate.

Binigyang-diin pa ni Gonzales na sa panahon ngayon, dumating na sa puntong hindi na nahihiya ang mga pulitiko sa lantarang pagnanakaw sa kaban ng bayan.

“Siempre ang kauna-unahan, halos lahat ng kababayan natin ang nararamdaman ‘yong korapsyon. Sobrang pagnanakaw na ang nangyayari sa gobyerno natin.”

“Dumadating na tayo sa ganong level, para bang wala nang kinatatakutan ang mga nagkokorap at nagnanakaw sa gobyerno. Parang wala nang kahihiyan,” aniya.

Matatandaan na tatlong SONA na ang lumipas, pero kahit isang beses, hindi binanggit ng Pangulo na may gagawing hakbang upang mapanagot ang mga kawatan sa kaban ng bayan.

Paliwanag pa ni Gonzales, dahil sa kapabayaan ng pamahalaan, mas lumalala pa ang korapsyon sa Pilipinas.

“Kasi napakalaking epekto ng namumuno sa paggawa ng korapsyon. Kapag nakita mo ‘yong nakakataas sa ‘yo, nakakalusot sa paggawa ng korapsyon, siempre gagawin na ‘yan ng lahat. Tutal nakakalusot naman, ‘di ba? Kaya nagsisimula ‘yan sa pinakamataas. ‘Pag nakita ‘yong nasa pinakamataas, pinapayagan o kaya gumagawa din, sunod-sunod na ‘yan hanggang kinabababaan,” giit nito.

Sa kaniyang pagtakbo bilang kandidato sa pagka-senador, baon ni Gonzales ang tunay na nararamdaman ng mga Pilipinong nagnanais ng tunay na pagbabago.

Galit na ang mga Pilipino sa hayagang pangungurakot ng mga nasa gobyerno na siyang dapat na nagtatanggol at pumuprotekta sa kapakanan ng taumbayan.

Kaya kung papalarin itong manalo at mailuklok sa Senado, sisiguruhin umano niyang magiging malinaw ang mga patakaran at batas kontra korapsiyon.

“Behavioral ‘yan eh, quality ng napipili nating namumuno sa atin. Walang batas diyan.”

“Sa korapsyon, kailangan lilinawin natin nang husto ‘yong mga patakaran. Kasi pag malinaw sa taong bayan ang batas, ang mga regulasyon, mas mahirap ang korapsyon,” pagtatapos nito.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble