MARAMING beses na hindi alam ni dating Pangulong Noynoy Aquino ang ginagawa ni former Senator Antonio Trillanes IV sa China.
Sa programang dito sa Bayan ni Juan ni dating Senate President Juan Ponce Enrile sa SMNI News, batay aniya ito sa kanyang mga nakalap na ulat.
“Merong mga report na nabasa ko, ang mga dokumento na binigay sa akin tungkol sa Scarborough na ‘yun na galing sa Department of Foreign Affairs. Maraming beses na hindi alam ni (dating) Presidente Aquino ‘yung ginagawa ni Trillanes kaya tinatawagan niya diretso sa Beijing. Kaya tutuusin, secret negotiator, eh,” pahayag ni Enrile.
Hirit pa ni Enrile kay Trillanes, kung totoong nagtagumpay siya sa negosasyon nito sa pagitan ng China, bakit pa aniya nananatili ang mga Intsik doon subalit ang Pilipinas ay wala na.
Kasunod ito sa pahayag ni Trillanes na tagumpay aniyang napaalis ang 40 barko sa Scarborough noong 2012 sa ilalim ng Administrasyong Aquino.
“Narinig ko na napaalis niya ang apatnapung barko ng mga Intsik doon sa Scarborough. Ang tanong ko, ginoong (dating) senador, kung tagumpay ka, bakit nandoon pa ang mga Intsik sa Scarborough at wala na tayo roon? Eh, ikaw ang negotiator, eh. Bakit ang lumalabas na gumawa ng negotiation between the Philippines at China ay isang Amerikano?” kuwestyon ni Enrile.
Matatandaan namang ayon kay Trillanes, siya rin ang itinalaga ni Aquino na maging negotiator sa China patungkol sa West Philippine Sea (WPS).
Ito’y matapos ang isyu noong 2012 dahil isang arbitration case na naman ang inihain ni Aquino noong Enero 22, 2013.
Ang iginigiit naman sa panahong ito, ay ang karapatan ng Pilipinas sa WPS.
Samantala, ayon kay Enrile, maliliwanagan lang ang taumbayan ukol dito kung si Trillanes na mismo ang magpapaliwanag.
(BASAHIN: Enrile, kinuwestyon ang noo’y appointment kay Trillanes bilang negotiator sa China)