HALOS matatapos na ang excavation work ng twin mountain road tunnel ng Davao City Bypass Construction Project.
Sa update ng Department of Public Works and Highways (DPWH), nasa 87.72 percent nang kompleto ang northbound side.
Habang nasa 78.30 percent naman ang southbound.
Nasa 2.3 kilometers lang ang twin mountain road tunnel subalit ang kabuuang Davao City Bypass Construction Project ay nasa 45.62 km na nagmumula sa Brgy. Sirawan, Toril, Davao City papuntang Brgy. JP Laurel, Panabo City.
Kung matatapos na ito ay nasa 49 minuto na lang ang travel time kumpara sa kasalukuyang isang oras at 44 minuto via Pan-Philippine Highway Diversion Road.