BINUKSAN na ang Office of the Vice President (OVP) Public Assistance Division Tondo Extension Office sa Brgy. 101 sa Mel Lopez Boulevard.
Pinangunahan mismo ni Vice President Sara Duterte ang opening at ribbon-cutting ceremony ng OVP Tondo Extension Office.
Sa kaniyang mensahe, sinabi ni VP Duterte na sa pamamagitan ng bagong extension office, mas mailalapit nila ang kanilang assistance programs sa mga nangangailangang residente ng Maynila.
“Ginawa po namin ito dahil alam namin na marami sa ating mga kababayan na naninirahan dito ang nangangailangan ng mga serbisyo at programa mula sa ating pamahalaan,” ani VP Duterte.
Dagdag pa ng pangalawang pangulo, ang bagong extension office ay patunay ng hangarin ng OVP na mapagsilbihan at mabigyan ng tulong ang mga residente sa pamamagitan ng mga programa at proyekto na ipinapatupad ng ahensiya.
“Patunay po ito ng aming hangarin sa Office of the Vice President na mapagsilbihan po kayo at mabigyan kayo ng tulong sa pamamagitan ng mga programa at proyekto na ipinapatupad namin ngayon,” ayon pa kay VP Sara.
Nakapagtayo na ang OVP ng 8 satellite offices sa Dagupan, Cebu, Tacloban, Zamboanga, Davao, Bacolod, Tandag, at Cauayan.
Kabilang sa programa ng OVP ay Medical at Burial (MAB) Assistance, PagbaBAGo Campaign, Libreng Sakay, Mag Negosyo Ta ‘Day, at Peace 911.
OVP, nakapagproseso ng mahigit P449-M halaga ng medical, burial assistance
Samantala, nakapagproseso na ang OVP ng higit P449-M halaga para sa medical at burial assistance program mula noong July 1, 2022 para sa higit 48,000 recipients.
Ayon sa Public Assistance Division ng OVP, higit P398-M ang naiproseso ng ahensiya para sa medical assistance habang higit P50-M naman para sa burial assistance.