NASA 51 porsiyento nang kompleto ang Farm-to-Market Road Network Program ng gobyerno.
Ito ay sa loob pa lang ng isa at kalahating taon sa panunungkulan ng administrasyong Marcos.
Sa isang video message, sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na nasa mahigit isang daan at tatlumpu’t isang libong kilometro (131,410.66 km) ang target ng gobyerno sa loob ng anim na taon o hanggang 2028.
Mula sa nabanggit na pigura, nakapagpatayo na ang gobyerno ng mahigit animnapu’t pitong libo (67,328.92) kilometro ng farm to market road projects (FMRs) o 51 porsiyento na ang natapos sa naturang programa.
Inihayag ni Pangulong Marcos na katumbas ito ng 32 beses na road trips mula Aparri hanggang Jolo.
Malaking tulong aniya ito para sa mas maayos na koneksiyon sa pagitan ng mga prodyuser at ng merkado na pakikinabangan ng mga nasa sektor ng agrikultura.
“It is a testament to the magnitude of accomplishment of the government. It is not an initiative only to do with agriculture, it is a connection between all the different communities but of course its main purpose is to connect the markets and the producers— sa ating mga agricultural sectors lalo,” saad ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Tiniyak naman ni Pangulong Marcos sa mamamayang Pilipino na magpapatuloy ang administrasyon hanggang sa makompleto ang target na mahigit isang daan at tatlumpu’t isang libong kilometro (131,410.66 km) FMR projects bago matapos ang termino.
Pahayag pa ng Pangulo, tuluy-tuloy rin ang pagtatayo ng mga imprastraktura sa ilalim ng Build Better More.
Sa development ng FMR projects, inilahad ng pamahalaan na maihahatid nito ang pagkain at iba pang produktong agrikultural sa iba’t ibang lalawigan nang mas mabilis at mas mura.