INIHAYAG ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na may isinasagawang pag-aaral upang matukoy kung kinakailangan ang pag-amyenda sa 1987 Constitution para maging mas investment-friendly ang bansa.
Ginawa ni Pangulong Marcos ang pahayag bilang tugon sa tanong kung sinusuportahan niya ang bagong panukala ng ilang House leaders na amyendahan ang 1987 Constitution sa susunod na taon.
Saad ni Marcos, may ginagawang pagsisikap na muling bisitahin ang economic provisions ng Konstitusyon at iba pang batas para makaakit ng pamumuhunan.
Ipinunto ng Pangulo na ang mga umiiral na probisyon sa ekonomiya ay humahadlang sa mga potensiyal na mamumuhunan na magpatuloy sa kanilang mga operasyon sa bansa.
“So, what we are looking at here is the opportunity cost of those who would like to invest here but somehow the laws that derived from the Constitution when it comes to the economic provisions do not allow them to or make it non-viable for them. So, that’s the study to see if it requires that or if we can do it any other way,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Nilinaw naman ni Pangulong Marcos na ang pag-aaral ay hindi talaga tungkol sa Konstitusyon, kundi patungkol ito sa kung ano ang kailangang baguhin upang papasok sa bansa ang mga potensiyal na mamumuhunan.
“That’s why the study is really not about the Constitution. It’s about what do we need to do — what do we need to change so that these potential investors will in fact come to the Philippines,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Kamakailan lang, sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na muling bibisitahin ng Kamara ang proposed amendments sa 1987 Constitution sa susunod na taon, na nakatuon sa economic provisions nito.
Subalit para sa kapatid ng Pangulo na si Sen. Imee Marcos, hindi napapanahon ang hakbang, aniya, may iba pang bagay na dapat pagtuunan ng pansin ang gobyerno.
Nabanggit pa ni Sen. Imee na maaaring may gustong maging Prime Minister dahil malabong manalo sa pagkapangulo kaya isinusulong ang panibagong interes sa Cha-cha sa Kamara.
Sa kabilang banda, si Sen. Robin Padilla naman ay muling itinutulak ang panukalang amyendahan ang 1987 Constitution upang magkaroon ng re-eleksiyon ang Presidente ng Pilipinas.
Sa inihain nitong resolution, ang termino ng Pangulo ay magiging apat na taon mula sa kasalukuyang anim na taon ngunit magkakaroon ng re-eleksiyon.
Dahil dito ay maaari nang i-extend ang maximum term ng opisyal sa walong taon mula sa anim na taon.
Kapag nare-elect, hindi na maaaring tumakbo sa alinmang puwesto ang Presidente kapag nakatapos ng kaniyang termino.
Ang bise presidente ay magiging apat na taon din ang termino mula sa anim na taon sa 1987 Constitution, at pinapayagan ang re-election ng Vice President.