PINASINAYAHAN ang isang bagong sports arena na ipinangalan sa yumaong National Artist Fernando Poe Jr. sa San Jose, Batangas nitong Linggo.
Ang pagbubukas ng FPJ Arena sa Brgy. Dagatan ay kasabay ng 84 taong kaarawan ng King of Philippine Movies.
Kabilang sa mga dumalo sa event sina Sen. Grace Poe at anak nitong si Brian Poe Llamanzares, Batangas Governor Hermilando Mandanas, Representatives Ralph Recto at Lianda Bolilia at San Jose Mayor Ben Patron.
Sa seremonya, iprinisenta ng mga lokal na opisyal ang isang ordinansa na nagdedeklara sa mga tagapagmana ni FPJ at yumaong Susan Roces bilang “Adopted Family” ng San Jose.
Sinundan ito ng paggawad ng symbolic key kay Sen. Poe at sa kaniyang pamilya.