BINIGYANG-pugay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte para sa proyektong Davao City Coastal Bypass Road sa ilalim ng Philippine High Standard Highway Network.
Ang pahayag ni Pangulong Marcos ay kasabay ng pagbubukas ng Davao City Coastal Bypass Road (DCCBR) Segment A na pinasinayaan nito kasama si Vice President at Education Secretary Sara Duterte nitong Hulyo 1.
Ang groundwork ng proyekto ay nagsimula noong 2017.
Ang unang segment ay ang first 8-km ng mahigit-17 km proyekto, na tumatakbo mula Bago Aplaya hanggang Times Beach.
Ang proyekto ay bahagi ng Philippine High Standard Highway Network, na ginawa sa layuning ikonekta ang mga pangunahing isla ng bansa.
Kaugnay dito, ipinag-utos ni Pangulong Marcos sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na tapusin ang natitirang segment ng proyekto sa itinakdang timeline.
Hinikayat din ni Pangulong Marcos ang patuloy na pagtutulungan ng DPWH, lokal na pamahalaan at Japan International Cooperation Agency (JICA) upang mas mapabuti pa ang transportasyon at imprastraktura ng bansa.
Saad ng Pangulo, patuloy lang ang pamahalaan, sa pangunguna ng DPWH, sa pagpatatayo ng mga imprastrakturang katulad ng Coastal Bypass Road na tiyak na mapapakinabangan ng mamamayan.