HINDI dadalo si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng House Committee on Human Rights tungkol sa kampanya laban sa droga.
Ayon ito kay dating tagapagsalita ng Pangulo na si Atty. Harry Roque.
Hunyo 25 nang inimbitahan ng Mababang Kapulungan ang dating Pangulo upang sagutin ang mga isyu ng extrajudicial killings na umano’y naganap sa kaniyang administrasyon.
Paglilinaw ni Roque, handa at kayang humarap ni dating Pangulong Duterte sa kahit anong hukuman sa Pilipinas upang sagutin ang anumang kriminal na akusasyon na may kaugnayan sa kampanya laban sa droga.
Saad pa nito na sa ilalim ng Bill of Rights, hindi maaaring pilitin ng Kongreso si FPRRD na maging saksi laban sa kaniyang sarili.
Mababatid din na maraming beses nang sinabi ni dating Pangulong Duterte na lalahok siya sa anumang kriminal na imbestigasyon, basta’t mga Pilipinong prosecutor ang nagsasagawa ng pagdinig.
Sinabi ni Roque na ang bawat taong nagbibigay ng ebidensiya, maging boluntaryo o sapilitang pinapatawag, sa anumang sibil, kriminal, o administratibong pagdinig ay may parehong karapatan sa Konstitusyon.