MAY payo si Dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte para mapilitan ang mga kongresista na buksan ang kanilang mga libro.
‘‘Go to court, go to Supreme Court to compel COA to public, you cannot go to Congress ‘di ka papakingan dun,’’ ayon kay Dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Pinayuhan ni Dating Pangulong Duterte ang mga Pilipino na dumulog sa Korte Suprema para manawagan sa Commission on Audit (COA) na buksan ang book of accounts ng mga kongresista.
Iyan ang sagot ni Duterte nang tanungin ng isang blogger kung anong dapat gawin upang mapilitan ang mga kongresista na buksan ang kanilang mga libro.
Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin tumatalima ang mga kongresista sa hamon ni Duterte na buksan ang kanilang libro at busisiin kung paano ginagamit ang pondo ng gobyerno.
FPRRD, handang buksan ang kaniyang book of accounts
At para maging patas, handa rin si Duterte na isapubliko ang kaniyang book of accounts noong siya ay naging presidente, mayor at congressman.
‘‘But if you compel COA to open the books of all including mine, during the presidency ko years, isali mo na para wala nang reklamo maski ‘yung akin lang iyong panahon ko, isali na ninyo; open the book ‘yung accounts ‘yung lahat na ‘yun. Isali na ninyo ‘yung years na congressman ako pati ‘yung presidente ako, buksan ninyo at i-publish natin,’’ saad pa ng Dating Pangulo.
Proud namang ibinahagi ni Duterte ang pag-unlad ng Davao City noong kaniyang termino at binigyang-diin na kailangan talaga ito ng pondo.
‘‘Sinong unang siyudad sa buong Pilipinas nag bloom way ahead? Na overtake-an namin lahat in terms of development. It’s because you have to spend really,’’ dagdag pa ni Duterte.
Ani Duterte, bilang mamamayan, karapatan aniya natin mag-demand na isapubliko kung saan ginagastos ang pondo ng gobyerno dahil pera ito ng taumbayan.
Normal lang din aniyang maghinala kung saan napupunta ang pera ng bayan at kailangan ito sagutin ng mga public servants.