NANGUNGUNA pa rin si dating Pangulong Rodrigo R. Duterte sa mga pipiliin ng mga botante para sa 2025 Senate Race.
Ito ay sa kabila ng bahagyang pagbaba sa kaniyang popularidad mula 55% nitong nakaraang quarter sa 51%.
“Despite a slight drop in popularity from 55% in the previous quarter to 51%, Duterte continues to be the top-of-mind choice among voters,” pahayag ng PUBLiCUS Asia.
PUBLiCUS Asia, inilabas ang survey na naglalaman ng mga pangalang pasok sa ‘Magic 12’ para sa 2025 Senate Race
Nasa pangalawa at pangatlong puwesto naman si Doc Willie Ong at Erwin Tulfo kung saan ang bawat isa ay may ‘significant support base’ na 44%.
Paliwanag ng PUBLiCUS Asia na ang hindi nagbabagong kasikatan nina Ong at Tulfo ay nagpapakita lamang ng kanilang malakas na dating sa mga botante.
“Their consistent popularity demonstrates their strong appeal among the electorate,” dagdag ng PUBLiCUS Asia.
Sa ika-apat at ikalimang puwesto, makikita ang presensiya ng mga kasalukuyang senador na naghahangad na muling mahalal.
Si Senator Christopher ‘Bong’ Go at Senator Maria Imelda ‘Imee’ Marcos ay umani ng 39% na support na ayon sa PUBLiCUS Asia ay ipinoposisyon ang kanilang mga sarili bilang mabigat na kalaban sa paparating na Senate Race.
“Positioning themselves as formidable contenders in the upcoming race,” saad ng PUBLiCUS Asia.
Pasok din sa Magic 12 ng nasabing survey sina dating Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at dating Senate President Vicente “Tito Sotto” C. Sotto na may 36% support.
Tabla rin sina Senator Ronald “Bato” Dela Rosa at dating Senator Panfilo “Ping” Lacson na may 35% support na sinundan nina Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro na may 31% support at dating Presidential spokesperson Harry Roque na may 25%.
Bukod pa rito, ipinapakita rin ng survey ang paglitaw nina dating Bise Presidente Maria Leonor ‘Leni’ Robredo at dating Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa inaasam na ‘Magic 12,’ na nakakuha ng 28% at 25% ng suporta ng mga respondent, ayon sa pagkakabanggit.