Fuel subsidy na dapat naipamahagi na sa tricycle at delivery riders, hindi pa naibigay ng LTFRB

Fuel subsidy na dapat naipamahagi na sa tricycle at delivery riders, hindi pa naibigay ng LTFRB

NAGLABAS ng saloobin ang ilang mga tricycle at delivery rider dahil sa isang taong paghihintay ngunit hindi pa nila nakukuha ang fuel subsidy na noon pa dapat ipinamahagi ng pamahalaan dahil sa sunud-sunod na taas-presyo sa produktong petrolyo.

Pamamasada lamang ng tricycle sa kahabaan ng Agham Road sa Quezon City ang pinambubuhay ni Kuya Oliver sa kaniyang limang anak.

Dating nagtra-trabaho sa ibang bansa bilang Overseas Filipino Worker (OFW), ngunit umuwi ng Pilipinas matapos magsara ang pinagtra-trabahuan.

“Sa hirap ng buhay lalo’t ako hindi na ako nakabalik ng ibang bansa. Pandemic hindi na ako nakabalik. Sa hirap ng buhay,” ayon kay Oliver, Tricycle Driver.

Malaking bagay sana sa amin ‘yung ayuda galing sa gobyerno. Pero, hanggang ngayon wala eh, wala na ngang pahinga-hinga pagdating dito sa tricycle.

P300 pa lang ang kanyang kinita mula sa kaniyang pamamasada simula alas singko ng madaling araw hanggang alas diyes ng umaga ng Martes.

Babawasan pa aniya ito ng pagkain niya, pambayad sa boundary at iba pang gastusin sa bahay.

Ang makaahon din sa kahirapan ang bukod tanging pangarap ng isa pang tricycle driver na si Kuya Elvis.

Sa pitong taon niyang pagiging drayber kasi ay hindi pa rin sapat ang nauuwing kita para sa pamilya.

Kaya, kumakapit din sila sa mga ayuda na ibinibigay ng pamahalaan upang makatulong kahit papaano.

P1,000 naman ang kaniyang kinikita sa buong araw na pamamasada ng tricycle pero nasasaid rin dahil sa sobrang dami at mahal ng bilihin.

Ang ikinasasama lang ng kanilang loob ay bakit isang taon na pero hindi pa rin sila nakatatanggap ng fuel subsidy mula sa pamahalaan.

Kumpleto naman ang kanilang mga ibinigay na mga requirement upang makatanggap ng ayuda dahil sa sunud-sunod na oil price hike.

“Nagtataka kung saan napunta ‘yun bakit kami wala, ‘yung iba meron. Imposible naman na magkamali kami kasi dinoble check naman ng officers namin,” wika ni Elvis, Tricycle Driver.

“Sana gampanan nila, kasi pinangako nila ‘yan sa mga TODA, ngayon hindi kami nakatatanggap hanggang ngayon, siguro halos 1-year na,” aniya.

Kaya kung tatanungin aniya siya kung marami bang naitulong ang pamahalaan sa kanilang nasa TODA.

“Wala, palpak! Oo, hindi ko maintindihan kung ano ang mayroon ngayon eh, hanggang parang maganda sa pangako wala namang naitutupad,” dagdag ni Elvis.

Hindi lang pala ang mga tricycle driver ang hanggang ngayon ay hindi pa nakakatanggap ng fuel subsidy.

Ang delivery rider na si Francis – ni piso ay walang natanggap na subsidya o ayuda mula sa gobyerno.

“Hindi ako nakatanggap, siyempre masakit sa amin ‘yun. ‘Yung ibang tao na kasama namin na rider na hindi rin nakatanggap kasi araw-araw tumataas ‘yung presyo ng gas,” ayon naman kay Francis, Delivery Rider.

Aminado ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na marami-rami pang mga tricycle at delivery rider ang hindi pa talaga nabibigyan ng fuel subsidy.

Kung kayat, hanggang ngayon ay hawak pa rin ng ahensiya ang pondo na noon pa dapat naipamigay.

“Yes, may pondo pa dapat para ‘yung sa last na fuel subsidy. Hindi ire-release kaagad dahil – DILG at tsaka ng DICT dahil hindi pa po nila naibibigay ‘yung complete list ng mga beneficiaries,” pahayag ni Asec. Teofilo Guadiz III, Chairman, LTFRB.

Sinabi naman ng Energy Department na dapat nang mamigay ulit ng fuel subsidy sa mga tsuper lalo’t matagal nang umabot sa $80/barrel ang presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado.

“Ang trabaho doon sa batas ay magbigay kami ng certification ‘yun ay nagawa na po namin, na-comply namin, sila na po ang kasunod na may obligasyon para i-implement ‘yung pagre-release nung mga subsidy towards the recipient. Tini-triggee na ‘yan,” wika ni Atty. Rino Abad, Director, Oil Industry Management Bureau, DOE.

Ang tugon naman ng LTFRB dito,

“Will now be asking the Department of Transportation to contact DBM po para po mailabas ‘yung pera na gagamitin sa fuel subsidy,” saad pa ni Guadiz.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble