OPISYAL nang ipinasilip sa mga kawani ng media ang loob ng Plenary Hall kung saan gaganapin ang unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “BongBong” Marcos Jr. sa darating na Hulyo 25, 2022.
Kapansin-pansin ang maaliwalas na kulay sa loob ng Plenaryo matapos itong pinturahan at dagdagan ng mga pailaw.
Bago rin ang Watawat ng Pilipinas na magiging simbolo ng Unang Ulat sa Bayan ng Pangulo.
Ayon kay House Secretary General Mark Llandro Mendoza, papayagan na ang ‘‘full capacity’’ sa loob ng Batasang Pambansa.
Aabot sa 1,200 katao ang maaring makapasok sa araw ng SONA kabilang na ang nasa 300 congressmen, 24 senators at mga miyembro ng Diplomatic Corps.
Subalit nilinaw ng House of Representative na limitado lamang ang bilang na mga guests at miyembro ng media ang papayagang makapasok sa loob ng Kamara.
Nakahanda rin ang Security Details na magbabantay sa loob at labas ng Batasang Pambansa kung saan gaganapin ang SONA ng bagong Pangulo.
Ilang K9 units, ang ipakakalat sa lugar partikular na sa mga papasok sa gallery.
Bilang bahagi ng pag–iingat dahil sa banta pa rin ng pandemiya dulot ng COVID-19, kailangan ang negative result ng mga bisita mula sa kanilang antigen test.
Inaasahan sa SONA ng Pangulo ang mga pangunahing prayoridad nito sa kanyang unang taong programa nito sa bansa.
Karaniwan sa mga ulat ng isang pangulo ay nakatutok sa mga programang pang ekonomiya, seguridad, edukasyon at pulitika.
Matatandaang, una nang tinututukan ngayon ng Pangulo ang usapin sa agrikultura at unti-unting re-organization sa mga ahensiyang nakapaloob sa kanyang opisina habang ang katuwang nitong si Vice President Sara Duterte ay nakatutok sa sektor ng edukasyon na pangunahing departamento ng alinmang administrasyon sa bansa.