Galunggong, inaasahang bubuhos sa mga palengke sa susunod na linggo –BFAR

Galunggong, inaasahang bubuhos sa mga palengke sa susunod na linggo –BFAR

KINUMPIRMA ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na tapos na ang ipinatupad na closed fishing season sa Northeast Palawan kung kayat asahan na sa mga susunod na linggo ang pagbuhos ng maraming suplay ng lokal na galunggong sa mga palengke sa Metro Manila na isa sa mga pangunahing isda na binibili ng mga Pilipino.

Nobyembre 2022 nang ipatupad ang closed fishing season sa Palawan na siyang pangunahing pinagkukuhanan ng lokal na galunggong.

Ang naturang fishing ban ay hakbang ng BFAR ng Department of Agriculture (DA) para matugunan ang deficit habang ipinapatupad ang mga conservation measure.

Ayon kay BFAR Spokesperson Nazario Briguera, sa mga susunod na linggo na inaasahang bubuhos ang suplay ng lokal na galunggong sa palengke.

Ibig sabihin may mabibili ng lokal na galunggong sa palengke matapos ang ilang buwang paghihintay.

Sinabi pa ng BFAR, napakahalaga ng naturang polisiya dahil ang Northern Palawan ay isang fishery area kung saan nangingitlog ang mga galunggong.

Partikular na rito ang Cuyo Group of Islands, Calamian Islands hanggang sa Araceli, Dumaran at Taytay.

Ito na rin aniya ang pang-walong taong implementasyon ng closed season sa Palawan na nagsimula noong taong 2015 base sa Joint Administrative Order Number 1, series of 2015 ng DILG at DA.

Napatunayan din sa pag-aaral na sa mga buwan ng November hanggang January ang peak season ng pangingitlog ng nasabing mga isda.

Kung kaya’t ang ganitong hakbang aniya ay mahalagang ipinaiiral upang ang populasyon ng galunggong ay mabigyan ng panahong magparami upang magkaroon ng kasapatan sa suplay.

Sa kasalukuyang datos ng BFAR, tinatayang aabot sa higit 400 metric tons ng galunggong ang kinakailangang suplay kada taon sa National Capital Region (NCR).

Sinabi naman ng BFAR na kahit pa man dumating na sa bansa ang 13,000 metriko tonelada ng galunggong na bahagi ng higit 25,000 MT ay hindi nito maapektuhan ang bentahan ng mga lokal na galunggong sa mga merkado.

Pero, kung ang mga nagtitinda naman ng galunggong sa Kalayaan Market ang tatanungin, posibleng tumaas pa ang presyo ng lokal na galunggong.

Samantala, sa usapin naman ng iba pang agricultural products, idinadaing ng ilang mamimili ang kakapusan sa suplay ng bawang sa bansa.

Gaya na lamang ni Ate Josephine, marami ang naghahanap ng lokal na bawang ngunit dahil sa walang suplay ay tiyaga-tiyagang nagbebenta ng imported bawang.

Aminado naman ang Bureau of Plant Industry (BPI) na kapos talaga ang bansa sa suplay ng bawang, hindi raw kasi ito kagaya sa sibuyas na madali at mabilis ang produksyon.

Sinabi pa ng BPI na hindi sila tumitigil para solusyunan ang problema ukol sa bawang at sa iba pang agricultural commodities katuwang ang iba’t ibang ahensya ng DA.

 

Follow SMNI News on Twitter