Gastos sa rehabilitasyon ng mga nasirang silid-aralan dulot ng lindol, umakyat na sa P1.7-B

Gastos sa rehabilitasyon ng mga nasirang silid-aralan dulot ng lindol, umakyat na sa P1.7-B

UMAKYAT sa higit P1.7-B ang tinatayang gastos sa rehabilitasyon ng mga silid-aralan at iba pang imprastrakturang napinsala ng lindol sa Abra at karatig lalawigan ayon sa Department of Education (DepEd).

Ito’y matapos masira sa magnitude 7 na lindol ang higit sa 270 na mga paaralan sa Abra at iba pang bahagi ng Northern Luzon.

Batay sa pinakahuling update ng DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service nasa 276 na paaralan ang napinsala kung saan may 743 silid-aralan ang bahagyang napinsala, habang 534 na silid-aralan ang lubusang napinsala ng pagyanig.

Maliban sa mga silid-aralan, nasira din ang nasa 445 na mga palikuran at 181 na hand washing facilities.

Bukod rito may mga nasira ding kagamitan tulad ng mga school furniture, learning materials at mga computer set.

Naitala sa Cordillera Administrative Region (CAR) ang pinakamataas na bilang ng mga apektadong paaralan na may 264, kasunod ang Rehiyon I (Ilocos Region) na may 142, at Region II (Cagayan Valley) na may 49 na apektadong paaralan.

SUMMARY OF AFFECTED SCHOOLS

                 (As of 1 August, 12:00PM)

Cordillera Administrative Region   264

Region I (Ilocos Region)                  142

Region II (Cagayan Valley)             49

Region III (Central Luzon)                34

National Capital Region                   4

Region IV-A (Calabarzon)                2

SOURCE: DEPED

Dahil dito, umakyat na sa P1.706 bilyon ang tinatayang halaga ng pagkukumpuni at muling pagtatayo ng mga silid-aralan at iba pang imprastrakturang napinsala ng lindol.

Sa kabila ng mga kinakaharap na pagsubok, una nang tiniyak ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte na malalampasan ng kagawaran ang mga ito sa tulong ng national government.

“But I am confident and I am optimistic that Department of Education will overcome — and we will overcome with the support of our national government and the administration of President Bongbong Marcos,” pahayag ni VP Sara.

Patuloy sa ngayon ang koordinasyon ng DepEd sa mga field coordinators at sa iba pang kaugnay na ahensiya para sa patuloy na update at pagbibigay ng tulong sa mga apektadong mag-aaral, guro, at kawani.

Follow SMNI News on Twitter