Gatchalian sa US: Hindi ninyo garahe ang Pilipinas

Gatchalian sa US: Hindi ninyo garahe ang Pilipinas

HINDI ninyo garahe ang Pilipinas ayon kay Senator Sherwin Gatchalian sa US Government.

Sinita ng isang senador ang US Government sa isyu ng ‘unannounced presence’ ng mga eroplano nito sa mga paliparan ng bansa.

“Dapat respetuhin din nila ang proseso natin. Hindi tayo puwedeng gawin na parang garahe na anytime pwedeng pumasok at lumabas at walang paalam,” pahayag ni Sen. Win Gatchalian, Chairman, Senate Committee on Ways and Means.

‘Yan ang banat ni Sen. Win Gatchalian sa US Government matapos ang paglapag ng mga eroplano nito sa mga paliparan ng bansa.

Nakarating sa senador na walang malinaw na koordinasyon sa mga kinauukulan ang presensiya ng mga US military aircraft.

“Hindi tayo garahe ng Amerika. Importante na sumunod sa ating mga patakaran lalo na regulasyon dahil mga eroplano to eh. May safety issue to eh,” dagdag ni Gatchalian.

Nitong nakaraang linggo nang maispatan ang isang C-17 Globemaster ng US Air Force Aircraft sa Maynila.

Galing umano ang nasabing eroplano sa Palawan.

Dumaan din umano ang eroplano sa ibabaw ng Pampanga, Cagayan, at sa silangang baybayin ng Batanes at Taiwan bago tuluyang lumapag sa Yokota Air Base sa Japan.

Bukod diyan, isang C-17 aircraft din ang naispatan sa hilaga ng Busuanga nito ring nakaraang linggo.

Na-monitor ang nasabing mga eroplano ng opisina ni Senator Imee Marcos.

“Ang airport natin kapag makikita natin wala naman tayong dedicated airport sa military… Halos lahat ng airport natin may civilian activities. Kaya hindi pwede lang silang pumasok dito ng walang paalam,” ani Gatchalian.

Depensa dito ng US Embassy, bahagi ng military exercise ang presensiya ng kanilang mga eroplano sa bansa.

At clerical error ang dahilan kung bakit nag-park muna sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang kanilang eroplano bago magtungo sa Palawan.

Aminado ang Amerika na walang koordinasyon ang US flight planner sa NAIA nang nangyari ang insidente.

“Dapat nga hindi pwede yun eh. Dapat nga hindi pwede yun. Bago lumipad ang isang eroplano sa kanilang destinasyon, magpapaalam muna ‘yan kung anong oras dadating dito, saan siya magpa-park, may full coordination na ‘yan no. Kaya hindi ko masyadong kabisado ‘yung detalye pero in principle, walang eroplanong aalis at magla-land sa isang lugar nang walang paalam,” diin ni Gatchalian.

Nauna nang sinabi ni Senator Imee Marcos na i-monitor ang entry ng US planes sa bansa. Kapantay sa monitoring ng mga awtoridad sa Chinese Vessels sa West Philippine Sea.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter