GAYA ng karamihang successful business owner, hindi madali ang dinaanan ni Mannix Carancho, CEO ng cosmetics company na Prestige International, bago nito naabot ang hindi naasahang paglago ng negosyo.
Ikinuwento ni Carancho na dati na siyang business owner ngunit hindi ito naging successful.
Dumating sa punto na kahit ang kinaugalian na niyang pagbili ng pagkain sa fastfood chain ay hindi na makayanan ng kaniyang bulsa.
Ito aniya ang pinakamalungkot na nangyari sa kaniyang buhay, ngunit hindi siya sumuko at sinubukan niya pa ring bumangon.
“Dumating ‘yung point na wala na akong pambili ng fastfood. Magkano lang ‘yung 200 pesos. Wala ako, kasi bumagsak ‘yung ibang business ko before and sabi ko paano ako makakabangon kasi walang-wala talaga ako.”
“Hindi ko napapansin ‘yung business ko before nalulugi na siya kasi nalalaos ‘yung type ng business ko dati,” ayon kay Mannix Carancho, CEO, Prestige International/Influencer.
Bilang isang independent na tao, hindi humingi ng tulong si Carancho sa kaniyang mga magulang at kapatid sa kabila na handa naman siyang tulungan ng mga ito at itinago niya sa lihim ang mga paghihirap na nararanasan.
Hanggang sa naisipang pasukin ni Carancho ang negosyo ng cosmetics at mula rito, dahan-dahan siyang nakapag-ipon at hindi niya akalaing aabot sa milyon ang kikitain.
“Unti-unti. ‘Yun nakakaipon tapos na-invest, and siguro nag-chamba ko rin na ganito ‘Yung business na napasok ko na gusto ko talaga, kasi mahilig akong magtimpla, mag-formulate and doon talaga ako napunta. Sobrang happy ko, sobrang blessed ko kasi from wala to sobrang dami,” dagdag ni Mannix Carancho.
Hindi aniya nito maisip na makararating siya sa pangarap niya na noon ay ginuguhit lamang niya sa isang papel.
“Di ko na ma-imagine kasi parang dati nagdo-drawing lang ako. Ito ‘yung mga gusto ko, ito ‘yung mga kotse na gusto ko pero walang-wala ako noon. Walang-wala ako, as in suntok sa buwan ‘yun. Do-drawing ako, ito ‘yung planta ko, gusto ko ganito kalaki, ito ‘yung bahay ko, ito ‘yung pera ko. Kinokontra ko ‘yung sarili ko kasi parang paano mangyayari ‘yan eh wala ka ngang pambili ng McDo or pambili ng fastfood mo. Paano mangyayari ‘yun,” ani Carancho.
Mula sa negosyong cosmetics ay nakapagpundar si Carancho ng mahigit 200 milyong halagang cosmetics plantation para sa kaniyang mga beauty products.
Maliban dito, nakapagtayo rin si Carancho ng 30 townhouses na malapit sa Urdaneta, Pangasinan, mga gusali, kumikitang propiyedad, at isang private resort sa Bolinao.
Ipinakilala naman ni Carancho ang bestseller niyang produkto, ang rejuvinating set na sa halagang P300 ay may two months supply na para gumanda ang mukha.
“Almost all skin problems kaya niyang gamutin. Kung meron kayong mga active na acnes, melasma, wrinkles, fine lines, sunspots, gusto niyong bumanat ang mukha niyo, ito lang ‘yung gagamitin niyo,” aniya.
Bukod sa negosyo, kumikita rin si Carancho sa TikTok bilang content creator, influencer, at maliban dito ay nagla-live selling din ng kaniyang mga produkto.