Goods na natatanggap, hindi matutumbasan ang nawalang kita dahil sa oil spill—mangingisda

Goods na natatanggap, hindi matutumbasan ang nawalang kita dahil sa oil spill—mangingisda

HINDI tutumbas ang relief goods na natatanggap ng mga residente ng Oriental Mindoro sa nawawala nilang kita kada araw dulot ng oil spill.

Kaya ang hiling nila na mabayaran, uumpisahan nang iproseso sa susunod na linggo.

Mag-iisang buwan nang nakatengga ang bangka ni Mang Arsenio simula nang ipatupad ang fish ban sa Naujan, Oriental Mindoro dulot ng tumagas na langis mula sa lumubog na MT Princess Empress.

Kuwento nito na nasa higit 500 pisong kita ang nawawala sa kaniya kada araw simula nang pinagbawalan silang mangisda.

Hindi umano maitutumbas ang mga relief items na kanilang natatanggap sa nawawala nilang kita kada araw.

Umaaray rin si Mang Robin dahil ramdam na ramdam niya ang epekto ng oil spill sa kanilang kabuhayan at sa kanilang pang-araw araw na gastusin.

Kaya panawagan ng mga ito na dapat ay mabayaran ng kompanyang may-ari ng lumubog na oil tanker ang mga nawala nilang kita.

Mga residente at negosyong apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro, maaari nang magsampa ng compensation claims – Provincial Government

Nitong Huwebes, tiniyak ng Provincial Government ng Oriental Mindoro na masisingil ang danyos para sa mga residente at establisyementong apektado ng oil spill.

Ayon kay Governor Humerlito Dolor na ngayong Lunes ay maaari nang magsampa ng claims ang mga apektado ng oil spill upang makakuha ng kompensasyon.

Ang insurance company ng MT Princess Empress na P&I Club ang siyang mangangasiwa nito.

May 4 na kategorya upang matukoy na kwalipikado na makasingil ng kompensasyon.

Kabilang dito ang mga nagamit at nagastos sa oil spill clean-up operations; pangalawa sa mga nawalan ng kita sa pangingisda; pangatlo sa turismo; at pang-apat naman ang property damages.

Kabilang sa puwedeng magsampa ng claim ay ang mga apektadong indibidwal, korporasyon at lokal na pamahalaan.

Maaaring kumuha ng claim forms at alamin ang iba pang requirement sa itatayong tanggapan sa Provincial Capitol sa Calapan City simula ngayong Lunes.

Ipoproseso sa loob ng 30 araw ang isinumiteng form at ang mga dokumento ng claimant depende sa mga ebidensiyang hawak nito na nagpapatunay na siya ay naapektuhan ng oil spill.

Maaaring may bumisita na mga eksperto sa mga claimant para ma-verify ang mga nasabing ebidensiya.

Kung magkano ang matatanggap na danyos ay magdedepende ito sa kabuuang assessment ng mga eksperto ayon kay Gov. Dolor.

Paalala pa ng gobernador, mas mainam kung may mga resibo, litrato o videos na nagpapatunay na apektado talaga ng oil spill.

Dagdag pa nito na huwag mamemeke ng mga dokumento at baka masayang lang ang kompensasyon na dapat tanggapin.

Magbubukas naman ng mga tanggapan sa iba’t ibang bayan na apektado ng oil spill kung saan pwedeng magsampa ng claim upang mapabilis ang proseso.

Ayon sa pamahalang panlalawigan, tinatayang aabot sa higit 20,900 na indibidwal, higit 60 tourism establishments, higit 700 community based tourism organizations at libu-libong manggagawa sa tourism sector ang apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro.

Oil spill response, tuluy-tuloy

Nakaraang araw ay dumating na ang US Coast Guard sa lalawigan upang tumulong sa oil spill response.

Pinag-uusapan na ng mga awtoridad ang mga susunod na hakbang para icontain ang oil spill matapos natukoy ang higit 20 bitak sa 8 tanke ng MT Princess Empress.

Tuluy-tuloy naman ang pagpapdala ng mga tulong ng mga taga-gobyerno at mga pribadong organisasyon sa mga apektadong residente.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter