HINATULANG guilty ng Office of the Ombudsman si outgoing Cebu Governor Gwendolyn Garcia sa kasong indirect contempt dahil sa hindi pagsunod sa anim na buwang suspension order na inilabas ng Ombudsman noong Abril 23.
Kasunod nito, ipinataw kay Garcia ang multang nagkakahalaga ng ₱30,000.
Ang desisyon ng korte ay kaugnay ng pagtanggi ni Garcia na pansamantalang lisanin ang kanyang puwesto habang isinasagawa ang imbestigasyon laban sa kanya.
Ayon sa Ombudsman, ang nasabing suspension order ay “immediately executory,” ibig sabihin, dapat agad itong ipinatupad sa kabila ng anumang apela.
Nag-ugat ang kaso sa umano’y grave abuse of authority at gross misconduct matapos bigyan ni Garcia ng special permit ang Shalom Construction Inc. kahit wala umano itong Environmental Compliance Certificate (ECC) mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) — isang pangunahing requirement bago ang pagsisimula ng anumang proyektong pangkonstruksyon.
Hinihintay naman ngayon ang magiging hakbang ng kampo ni Garcia — kung iaapela ba nila ang desisyon o magbabayad na lamang ng multa.
Samantala, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng Ombudsman sa mga mas mabibigat na kasong kriminal at administratibo na kinakaharap ng gobernador.