Grupo ng magsasaka nanawagan na luwagan ang requirements sa pagbili ng murang bigas

Grupo ng magsasaka nanawagan na luwagan ang requirements sa pagbili ng murang bigas

NANAWAGAN ang Federation of Free Farmers (FFF) na luwagan ang requirements sa pagbili ng murang bigas.

Ayon sa grupo, tila hindi ramdam ang idineklarang food emergency sa bigas.

Kung naghahangad anila kasi na magkaroon ng murang bigas ang mga lokal na pamahalaan ay mag-uunahan ang mga ito—taliwas sa mga nangyayari ngayon.

“Ang masabi ko lang sa ngayon, parang hindi yata nararamdaman ‘yung emergency. Kasi kung talagang emergency, kumbaga ang mga LGUs natin ang maglalabanan at maghahabol para sila ang unang makakuha ng bigas,” ayon kay Leonardo Montemayor, Chairperson, Federation of Free Farmers.f

Ito ang naging komento ng Chairperson ng FFF na si Leonardo Montemayor kaugnay sa matumal na partisipasyon ng mga lokal na pamahalaan sa pagbili ng mga lumang suplay ng bigas mula sa National Food Authority (NFA).

Aniya, kung mismo ang alkalde ng isang lugar ang magpupursigi na kumuha ng mas abot-kayang bigas mula sa NFA para sa kanilang mga nasasakupan, ay gagawin nito ang lahat ng paraan.

“Pero there is also one aspect here pala—for example, kahapon sa lalawigan ng Albay. Ang sabi sa akin ng kanilang mga opisyales, meron pong identified na LGUs na may priority status. Ibig sabihin, sila lang ang makakabili ng bigas mula sa NFA. Pagka hindi nakalista ‘yung probinsya doon, hindi sila pwedeng bumili kahit na gustong-gusto nila,” ani Montemayor.

Paliwanag ni Montemayor, dapat makipag-ugnayan ang mga LGU sa National Price Coordinating Council (NPCC) upang masiguro na makakabili sila ng bigas.

Hinimok naman niya ang NPCC na ayusin ang mga pamantayan para sa mga LGU na karapat-dapat bumili ng bigas mula sa NFA at luwagan ang mga requirements upang mas maraming lokal na pamahalaan ang maka-access sa murang bigas.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter