BIGONG dumalo sa pagdinig ng Land Transportation Office (LTO) ang tatlong drayber na naunang pinadalhan ng show cause order matapos matukoy ang kanilang pagkakakilanlan.
Sila ang mga drayber na sangkot sa viral video kung saan nagkakarera ang mga bus sa Cagayan National Highway noong Hunyo 8.
Dalawang liaison officers lamang ang humarap sa LTO Chief na si Vigor Mendoza II noong umaga ng Biyernes.
Hindi rin naipaliwanag ng liaison kung nasaan ang tatlong drayber.
“Ang alam lang po namin, nung nalaman nilang may show cause order ay hindi na po sila nagbiyahe,” wika ni Lucille Evia, Liaison Officer, GV Florida Transport.
Tanging explanation letter ng GV Florida Transport ang naisumite sa LTO.
Tinanong din ng LTO Chief ang liaison officer kung alam ba ng kompanya ang pagkakakilanlan ng tatlo pang drayber na sangkot sa karera.
“Sa ngayon po, sir, hindi ko po masasagot, pero ipapa-trace ko po,” ani Lucille Evia, Liaison Officer, GV Florida Transport.
Kinuwestiyon ng LTO chief ang naging tugon ng liaison.
“Anong basa mo, sir, bakit hindi naibibigay ang names? Ay ayun na nga. Ang aking kaduda-duda naman. Siguro naman kung ako ang bus operator, alam ko kung sino, ‘di ba?” tanong ni Asec. Vigor Mendoza II, Chief, LTO.
Hindi inaalis ng opisyal ang posibilidad na posibleng may ilegal na aktibidad ang kompanya.
“May tinatago ba? Oo, baka. Of course, we can only guess. Baka may ibang factors—expired license, ‘yan ang makakaapekto sa civil liability nila,” dagdag ni Mendoza.
GV Florida Transport, binigyan na ng ultimatum ng DOTr Chief bago tuluyang makansela ang rehistro ng 6 na yunit nito
Sa press conference noong hapon ng Biyernes, binigyan na ng ultimatum ni Transportation Secretary Vince Dizon ang GV Florida Transport na isapubliko ang pagkakakilanlan ng iba pang tatlong drayber.
Kapag nabigong magsumite ang kompanya sa Lunes, Hunyo 16, tuluyan nang kakanselahin ng LTO ang rehistro ng mga bus na sangkot.
“Kapag hindi nila ginawa ‘yun, kapag hindi nila ginive-up ‘yung mga drayber, kakanselahin ng LTO ‘yung registration ng mga buses na involved. Hindi nila magagamit ‘yun,” saad ni Sec. Vince Dizon, Department of Transportation.
Natawa na lamang ang DOTr chief sa naging depensa ng GV Florida na edited umano ang viral video na kumalat sa social media.
“Deterrent daw ‘yung pagpapatakbo nang mabilis para hindi manakawan. Okay, magandang depensa. Sige, imbestigahan natin ‘yun. Pero medyo katawa-tawa lang ‘yung excuse na ‘yun,” dagdag ni Dizon.
“Assuming na fast forward, kitang-kita sa video na in-overtake nila sa magkabilang linya—bawal ‘yun. Papaano kung may kasalubong na sasakyan, tapos may tinamaan, may namatay? Will they be giving the same defense? I don’t think so,” aniya pa.
Sa ngayon, lisensiya pa lamang ng tatlong drayber na unang natukoy ng LTO ang na-revoke.