MAS palalakasin pa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kanilang puwersa lalong-lalo na tuwing gabi kung saan tiniyak ng hanay ng pambansang pulisya ang mas pinaigting na police visibility sa mga lansangan.
Hindi bibigyan ng puwang ng NCRPO ang karahasan at kaguluhan sa Metro Manila.
Ito ang pagtitiyak ng hanay ng pambansang pulisya kasunod ng paglulunsad ng programang S.A.F.E. o Seen, Appreciated, Felt and Extraordinary ngayong araw.
Halos sampung libong tauhan ang ipakakalat ng NCRPO sa Kamaynilaan.
Mas maraming pulis din ang magpapatrolya mamayang gabi sa mga lansangan at kabahayan kasunod ng send-off ceremony ng mga night patroller mula sa Tactical Motorcycle Riding Unit.
“Itong motorcycle gagamitin natin ito sa mga subdivision na kung saan nakita natin na talagang rampant yung mga ransact ng mga bahay. Kagaya nga ng sabi ko kayo tulog ang police ay gising so sabi ko nga we will sacrifice kaya yun naman talaga ang tungkulin ng police, bantayan kayong lahat mga mamamayan ng Metro Manila,” pahayag ni BGen. Jonnel Estomo, acting Regional Director, NCRPO.
Sa ngayon ayon kay Estomo nananatiling mababa ang crime rate sa Kamaynilaan.
Asahan na mas bababa pa raw ito dahil sa mas pinaigting na police visibility lalo na tuwing gabi.
Dagdag pa ni Estomo, kanilang sisiguraduhin na mahuhuli at mananagot ang sinumang gagawa ng anumang krimen sa Metro Manila.
“Ang babala ko lang sa inyo ah I’m ready to engage you kung ano man ang mangyari sa inyo at gagawin ninyo ang ah na gumawa ng krimen dito sa Metro Manila sisiguraduhin ko sa inyo meron kayong kalalagyan,” ayon kay Estomo.
“Sa iba nalang sila kasi siguradong mahuhuli sila sa Metro Manila dahil nanjan na yung tinatawag natin na genuine police visibility hindi nila ma execute sigurado yung kanilang plano,” dagdag ng pulis opisyal.
Nagbigay naman ng payo si Estomo sa publiko na magtiwala sa pulis at sumangguni sa mga nakatalagang presinto sa mga lugar.
“Alam naman natin na meron ng mga police precincts sa mga area, mayroon tayong mga istasyon mayroon na tayong ginawang mga info drive ng balik eskwela so isumbong niyo sa pulis itong pagkakataon na to, magtiwala kayo sa pulis,” dagdag ni Estomo.