UMABOT sa 2,800 na mga pulis na may kaanak na tatakbo sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ang inilipat na ng puwesto.
Ito ang inihayag ni PNP Public Information Office chief Police Colonel Jean Fajardo.
Ayon kay Fajardo, layunin nitong maiwasan na maimpluwensiyan ng mga pulis ang resulta ng nalalapit na halalan sa bansa.
Sakop aniya ng ipinatutupad na unit reassignment ang 4th degree of consanguinity o hanggang pinsang buo ng mga pulis.
Nauna nang sinabi ni PNP chief Police General Benjamin Acorda, Jr. na hindi kailanman dapat magkaroon ng partisan politics sa kanilang hanay upang matiyak ang integridad ng halalan.