Halos P1B halaga ng hinihinalang shabu nasabat sa Oriental Mindoro

Halos P1B halaga ng hinihinalang shabu nasabat sa Oriental Mindoro

SA tulong ng K9 units sa pangunguna ng Special Operations Unit 4B, Philippine National Police Drug Enforcement Group (Joint Unit) at Philippine Drug Enforcement Agency 4B, naaresto ang isang suspek na may sakay na 120 kilo ng hinihinalang shabu.

Nakalagay ito sa mga bagahe sa likuran ng sasakyan ng suspek sa Calapan Pier Exit, Brgy. San Antonio, Calapan, Oriental Mindoro, 8 A.M ng Biyernes, Marso 21.

Kinilala ang suspek na si Christopher Eropio Malco, 43 anyos, driver at residente ng Brgy. Polo Maistralita, Iloilo City.

Batay sa imbentaryo, bawat pakete ay tumitimbang ng tig-iisang kilong suspected drugs o katumbas ng P816M.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, ang suspek ay isa sa mga itinuturing na Regional Priority Target at High Value Individual na may kaugnayan sa ilegal na droga.

Agad na isinailalim sa pagsusuri ang mga ilegal na droga habang patuloy ang pangangalap ng karagdagang ebidensiya kung sino-sino ang nasa likod nito at saan galing ang naturang mga ipinagbabawal na gamot.

Sa kabila naman ng deklarasyon ng pamahalaan na humuhupa na umano ang kriminalidad sa bansa, ‘di maikakaila na halos araw-araw may mga naitatalang krimen na may kaugnayan sa ilegal na droga.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble